IKALAWANG gabi na ng Onanay ang nasilip namin. Hindi pa rin naman kami naligaw sa pagtutok kahit napalampas namin ang unang gabi.
Tama ang komento ng mga kasamahan namin sa panulat, bagung-bagong artista pa lang si Jo Berry, pero nakasasabay na siya sa pag-arte ng Superstar.
Maliit man sa sukat ay napakalaki naman pala ng bitbit na talento ni Jo Berry, kaya kahit ang masarap sapaking kontrabidang si Cherie Gil ay nakakaya niyang sabayan, parang datihan na siyang artista.
Natural, maraming kinikilig ngayon sa kanila ni Luis Alandy bilang mag-asawa. Dinukot-ni-rape na nga naman ng isang barkadahang walanghiya si Jo ay buung-buo pa rin ang kanyang pagmamahal kay misis.
Hindi na makukuwestiyon ang pagganap ni Nora Aunor, si Guy pa ba naman, kahit nga walang dialogue ay tumatawid ang kanyang emosyon para tabunan ang kanyang mga kaeksena.
Si Jo Berry na nagtatrabaho sa isang call center ay dati nang tagahanga ni Alden Richards. Wala pa ang AlDub ay kinikilig na siya sa Pambansang Bae.
E, nagkita sila sa Sunday PinaSaya, niyakap siya ng kanyang idolo, kaya nakumpleto agad ang araw ng munting si Jo Berry.
Sa unang gabi ng palabas, ayon sa AGB Nielsen, ay tinalo ng Onanay ang katapat nilang Bagani. Nagpipista siyempre ang mga Noranian dahil buhay na buhay na naman ang career ng kanilang Superstar.