UMUUSOK ang ilong sa galit ng mga nakatira malapit sa bahay ng isang dating opisyal ng pamahalaan dahil sa inconvenience na kanilang nararanasan ngayon.
Halos gabi-gabi kasi silang dumadaan sa checkpoint at laging tinatanong kung saan sila pupunta gayung pauwi naman sila sa kanilang bahay.
Naghigpit kasi ng seguridad sa bahay ni Sir dahil sa dami ng mga kontrobersiyang dulot ng nakalipas na administrasyon.
Pinakahuli rito ang dagdag na mga checkpoints at siyempre ang itinayong gate malapit sa bahay ng dating opisyal pero hindi ito sa kanilang bakuran itinayo kundi sa mismong kalsada.
Isasara raw kasi ang bahagi ng block malapit sa bahay ni Sir samantalang isa ito sa mga busy streets sa kanilang lugar.
Nangangahulugan ito na magiging mahirap sa mga motorista ang umikot sa ilang mga lugar sa pusod ng Quezon City dahil sa malilimitahan ang daloy ng trapiko sa lugar ng dating opisyal.
Sinabi ng ating Cricket na may basbas umano ng mga local officials sa lungsod ang paglalagay ng gate sa gitna ng kalsada.
Patunay raw ito na hanggang ngayon ay utak-haciendero ang dating opisyal at ang tingin niya sa kanyang mga kapitbahay ay parang mga ordinaryo nilang sakada.
Tunay raw na wala itong pakiramdam sa saloobin ng iba basta’t okay ang kanyang kalagayan.
Tutal ay mayaman kaya pinapayuhan siya ng ilang mga kabarangay na lumipat na lamang sa isang gated subdivision lalo na’t sa tingin niya ay malalagay sa panganib ang kanyang buhay.
Pinayuhan rin siya na huwag na lang lumabas ng kanyang bahay at pagbutihin na lang ang paglalaro ng mga computer games.
Ang dating opisyal ng pamahalaan na nagpapatayo ng gate sa gitna ng kalsada at nagrequest pa ng dagdag na checkpoint malapit sa kanyang bahay ay si Mr. B…as in Benign.