MATAPOS ang agaw-eksenang tagpo sa Kamara de Representantes noong araw ng ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Duterte, marami ang nagtatanong kung ano ang magiging epekto nito sa pagpili ng mga magiging kandidato sa pagkasenador ng administrasyon.
Konting refresh. Naalis bilang speaker si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez at si Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo ang iniluklok na bagong lider ng Kamara noong Hulyo 23.
Bago ito, si Alvarez ay umiikot na sa iba’t ibang bahagi ng bansa kasama ang mga posibleng kandidato sa pagkasenador ng administrasyon.
Ang nais malaman ng marami ay kung mag-iiba ang listahan ng mga kandidato ng administrasyon sa 2019 midterm elections.
Hinihintay din ng lahat kung ano magiging papel ni Arroyo sa eleksyon.
Siya ay nasa ikatlo at huling termino na bilang kongresista at walang malinaw kung ano ang kanyang plano. Pwede siyang tumakbong gubernador ng Pampanga o kaya muling mag-senador. Pwede rin naman na maging lola na lamang siya ng kanyang mga apo.
Pero kung titingnan ang pagiging workaholic ni Arroyo parang hindi uubra na magpapahinga na siya sa politika.
Noong araw ng Linggo, August 5, pumunta si Arroyo sa hearing ng House committee on ways and means sa package 2 ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion. San ka pa, Linggo may hearing. Alam naman natin na forte ni GMA ang ekonomiya kaya walang duda na alam niya ‘yung pinag-uusapan doon.
Nang matapos ang termino ni GMA sa Malacanang, tumakbo siyang kongresista sa halip na magpahinga.
Kung si Arroyo pwedeng tumakbo, pwede rin si dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III. Walang nagbabawal sa kanya.
Sa Quezon City pumutok ang pangalan ni Willie Revillame. Tatakbo raw siya sa pagka-alkalde at ang nakikita umanong katambal niya ay si Quezon City Rep. Winnie Castelo. So Wil-Win sila.
Ang akala ko ang makakatambal ni Castelo ay si Rep. Bingbong Crisologo na siyang chairman ng PDP-Laban sa Quezon City.
Pwede rin naman na si Castelo ay tumakbo na lang na mayor, bakit nga ba vice mayor pa? Kung marami ang tatakbo, mahahati ang boto, at ang distrito ni Castelo ay mayroong malaking bilang ng botante.
At si Vice Mayor Joy Belmonte, tatakbo ring mayor na ang magiging running mate daw ay si Gian Sotto. Papayag ba naman si dating Speaker Sonny Belmonte na matalo ang anak na si Joy?
May nagsabi pa nga na kung tagilid si Joy baka si SB ang tumakbo. Last term na rin si SB sa Kamara.
Si Gian naman ay pumunta na sa Malacanang at inendorso na ni Pangulong Duterte. Si Sotto ay anak ni Senate President Tito Sotto.
Mukhang magiging mabigat ang labanan sa mayamang siyudad ng Quezon City na iiwanan ni Mayor Herbert Bautista, na tatakbo naman daw sa pagka-kongresista.
Sa Oktubre, ang filing ng certificate of candidacy, magkakaalaman na kung sino ang magiging magkakatunggali, unless may substitution na mangyayari habang lumalapit ang halalan.