Anak nina Aljur at Kylie gumawa ng milagro, Robin napaamo
ANG nagagawa nga naman ng walang kamuwang-muwang na bata sa mga taong hindi nagkakasundo.
Milagro ang nagagawa ng apo, lumalambot ang puso ng mga lolo at lola kapag meron nang sanggol na ipinakakarga sa kanila, natatapos agad ang kanilang problema.
Ganu’n mismo ang nangyari kay Robin Padilla na ramdam na ramdam ang hindi pagkagusto nu’ng una kay Aljur Abrenica para sa kanyang anak na si Kylie. Maraming ibinigay na pahayag nu’n ang action star na hindi naman sinasagot ng nakababatang aktor.
Pero nang ipinganak na ni Kylie si Alas ay parang binuhusan ng malamig na tubig ang tampo ni Robin, sa unang pagkarga pa lang niya sa kanyang apo ay napawi na ang kung anu-anong kuwento sa pagitan nla ni Aljur.
Tatay na tatay lang naman si Robin, gusto niyang maging legal ang pagsasama nina Aljur at Kylie, isang hiling na ngayo’y pinaghahandaan na ng magkarelasyon.
Walang ibang hangad si Robin kundi ang mapabuti ang buhay ng kanyang mga anak. Biro naman ng iba ay takot na takot kasi si Robin sa kanyang multo kaya ganu’n ang iniisip niyang mangyayari sa kanyang mga anak.
Ang mahalaga ay wala nang pader sa pagitan nina Robin at Aljur. Si Kylie ang unang-unang maligaya sa sitwasyon. Napakasarap nga namang mabuhay sa isang kapaligiran na nagkakasundo ang lahat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.