Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
12 n.n. Mapua vs San Sebastian
2 p.m. St. Benilde vs Lyceum
4 p.m. Letran vs Arellano
Team Standings: Lyceum (6-0); San Beda (4-0); Letran (3-1); Perpetual Help (2-2); Arellano (2-2); Mapua (2-3); St. Benilde (2-3); San Sebastian (2-4); EAC (1-4); JRU (0-5)
HANGAD ng Lyceum of the Philippines University Pirates na mapanatiling malinis ang kartada sa pagtatangka sa ikapitong panalo sa pagsagupa nito sa College of St. Benilde Blazers ngayon sa NCAA Season 94 men’s basketball tournament sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Kinolekta ng Pirates ang ikaanim na diretsong panalo sa pagbigo sa host University of Perpetual Help Altas noong Biyernes upang manatiling walang bahid at manguna sa team standings.
Dalawang laro na lamang sa unang round ang kailangan ng Pirates upang maduplika ang itinala nito noong nakaraang taon at posibleng magawa nila itong muli dahil sa ipinapakita na matinding depensa na nagtutulak sa kinatatakutan dito na running game.
“We’d like the press the energy out of every team we face because we really want to focus on our defense more than outscoring our opponents,” sabi ni LPU coach Topex Robinson.
Ipinamalas ng Pirates sa anim nitong laro ang average na league-high 91 puntos kada laro habang ikaapat ito sa points allowed sa 76 puntos sa likod ng San Beda Red Lions (62.5), Letran Knights (68) at St. Benilde (73.8).
Isa pang sandigan ng Pirates ang Season 93 Most Valuable Player na si CJ Perez na may average na 20.5 puntos, 6.7 rebound, 4.7 assist, 3.5 steal at halos isang block shot kada laro habang nalimita ang error sa 2.3 turnover upang lumapit sa pagwawagi sa posibleng back-to-back MVP award.
Sasagupain ng Pirates ang Blazers na iniinda pa ang nakakadismayang 60-64 kabiguan na nalasap kontra Letran Knights noong Huwebes.
Samantala, ipagpapatuloy ng Letran na mapaganda ang 3-1 record sa pagnanais na masungkit ang ikaapat na diretsong panalo sa pagsagupa sa Arellano University Chiefs na bitbit naman ang 2-2 panalo-talong kartada.
Sandigan ng Knights ang beterano na si Bong Quinto at ang nagpapakita ng malaking pagbabago na frontcourt para sa Knights na kinukunsidera muli na lehitimong title contender.
Nagtala si Quinto ng team-best 17 puntos sa huling panalo ng Knights habang ang big men na sina Larry Muyang, Chris Fajarito at Jeo Ambohot ang namamayani sa shaded lane sa itinatala na pinagsama na 26.5 puntos, 22.6 rebound at 2.0 block kada laro.
“We will try to take advantage of our size each game because we know we are blessed in that department,” sabi ni Letran mentor Jeff Napa.
Pilit naman pagagandahin ng Mapua University Cardinals (2-3) at San Sebastian College Stags (2-4) ang kanilang mga kartada bago pumasok sa huling ikot ng labanan ang torneo sa kanilang paghaharap sa unang seniors game.