LIBRE ang talent fee ni Robin Padilla sa kampanya ng “Build Build Build Program” ng Duterte administration sa pamamagitan ng Department of Public Works And Highways.
Isa si Binoe sa mga supporters ni Pangulong Rodrigo Duterte na patuloy ang pagbibigay ng libreng serbisyo para sa bayan. Kaya naman tuwang-tuwa si DPWH Sec. Mark Villar dahil naniniwala siya na malaki ang maitutulong ng aktor sa kanilang mga proyekto.
“Nagpapasalamat ako kay Robin dahil gusto niyang tumulong sa ating Build, Build, Build. Nag-volunteer siya para tulungan kami. Alam niyang marami kaming projects sa Mindanao lalo na sa Marawi,” ayon kay Sec. Villar nang makachikahan ng ilang members ng entertainment press kamakailan.
Dugtong pa ng Kalihim, “Maganda po, Maganda. Zero (talent fee)! Para sa bayan, tamang-tama lang ang presyo niya, zero!”
“Napakalaking bagay ng magiging tulong ni Kuya Robin. At least, mas malalaman ng ating kababayan ang proyekto ng ating Pangulo at sa tingin ko dahil sa support niya, lalong lalaki ang suporta sa ating mga programa,” dagdag pa niya.
Bukod kay Robin, inaasahan din ang pagtulong sa “Build Build Build Program” ng DPWH ay si Sen. Manny Pacquiao na nakahanda ring magbigay ng libreng serbisyo para sa ikatatagumpay ng nasabing proyekto na nakapagbigay na rin ng mga trabaho sa napakaraming Pinoy.
Kauganay nito, hindi lang sa mga infrastracture projects nakatutok ngayon ang DPWH dahil makikipagtulungan na rin sila sa Department of Transportation at Department of Labor and Employment para sa kanilang meron “Jobs Jobs Jobs” program.
Nagkaroon daw kasi ng pagtaas ng jobs generated in the construction sector ayon sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority noong April, 2018.
Ibinalita ni DOTr Sec. Arthur Tugade sa members ng entertainment media na sa darating na Aug. 12, ilulunsad na ng Team Build Build Build ang “Jobs Jobs Jobs” campaign sa SMX Convention Center mula 8:30 a.m. hanggang 4:30 p.m..
Samantala, natawa lang si Sec. Villar nang tanungin ng media kung nagkita ba sila ng aktres na si Alice Dixson sa Boracay nang bisitahin niya ang isla kamakailan. Until now ay under
rehabilitation pa rin ang Bora.
“Ah ‘di ako nakaikot. Pero baka next time, baka pagbalik doon,” nakangiting sagot ni Sec. Mark. Apat na oras lang daw kasi siya sa isla.
Na-bash kasi si Alice nang kumalat sa social media ang mga litrato niya na kuha habang rumarampa siya sa Bora kung saan siya nag-celebrate ng kanyang birthday. Ayon sa kampo ng aktres asawa raw nito ang executive ng isang resort doon.
Naikuwento naman ni Sec. Villar na ibang-iba na ngayon ang aura ng Bora, “Kung dati five meters lang ang lapad ng kalye, ngayon 12 meters na. Ginagawa na natin lahat ng kalye, pati drainage system inaayos na. By October 26, iba na ang makikita ninyo.”