ISANG nakalulungkot na katotohanan na dahil sa pagtatrabaho ng mga babae at ang pagkalat ng mga infant formula sa merkado, hindi maikakaila na ilang porsiyento na lamang ng mga nanganganak ang nagpapa-breastfeed.
Gayunman, may mga nanay pa rin ang pinipili na magpasuso ng kanilang mga sanggol kaysa umasa sa mga gatas na may kemikal.
Sa bahagi naman ng gobyerno, isa ang Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa mga pampublikong ospital na talagang istriktong nagpapatupad ng breastfeeding para sa mga nanay na nanga-nganak sa ospital.
Inisa-isa ni Dr. Maria Carolina Mirano, Head ng Breastfeeding Committee ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital ang mga benepisyo ng pagpapasuso ng mga nanay sa kanilang mga anak at maging sa mga mommy.
Kumpletong pagkain
“Yung breastfeeding, isang pamamaraan ng pagpapakain sa ating sanggol ng breastmilk, isang kumpletong pagkain para sa bagong panganak o mga sanggol,” sabi ni Mirano.
Labis na ipinagmamalaki ng doctor ang polisiya na ipinaiiral sa kanilang osptial na mapanatiling 100 percent breastfeeding compliant ang mga nanganganak dito.
“Kahit mga bata sa ICU (intensive care unit), kung hindi man nagbi-breastfeed directly sa mother ay binibigyan ng breastmilk. Pwede naming sabihin na ang breastfeeding initiation rate ay 100 percent. Kahit mga pinapalabas namin sa ospital ay nakakapagpasuso na rin,” ayon kay Mirano sa isang panayam ng Bandera.
Anya, ang gatas ng ina ay kumpletong pagkain na sagana sa nutrisyon.
“Para sa babae, ito na nga ang kumpletong pagkain. kahit wala ka nang ibigay na ibang fluids o pagkain sa baby, kasi kumpleto na ito,” dagdag ni Mirano.
Anti-bodies
Idinagdag ni Mirano na maraming anti-bodies ang gatas ng ina, na siyang magbibigay ng proteksyon sa sanggol kontral impeksyon.
Base na rin sa mga pag-aaral, mas hindi sakitin ang mga bata na lumaki sa breastfeeding kaysa sa mga bata na infant formula ang ininom nang siya ay sanggol pa lamang.
“Sabi natin ligtas ang mga babies sa mga allergies. Later on, paglaki ng mga bata, mas less ang chronic illnesses in adult life,” sabi pa ng doctor.
Economic benefits
“Pangatlo, yung economic benefits, sa financial na aspeto, walang bayad, wala silang gastos, wala silang bibilhing gamit. Hindi na kailangang magpakulo ng tubig.
High IQ
Pahayag pa ng doctor na ang mga batang esklusibong napasuso ng ina ay higit na mataas ang IQ.
Bukod sa mga sanggol, malaki rin ang kapakinabangan ng breastfeeding sa mga nanay na gumagawa nito.
Benepisyo sa ina
Napipigilan nito ang pagdurugo ng mga nanay na bagong pa-nganak at mas madali din bumalik sa dati ang kanilang katawan.
“Mas lesser din ang incidents ng breast cancer sa mga nanay and may sinasabi rin na it can prevent other diseases sa mga nanay like osteoporosis,” idinagdag ni Mirano.
Payo ni Mirano sa mga nanay na tiyakin ang esklusibong pagpapasuso sa kanilang mga sanggol sa pagsilang nito hanggang anim na buwan.
“Exclusive breastfeeding na walang ibinibigay sa babies up to six months but breastfeeding can be continued until two years and beyond,” sabi pa ni Mirano.
Itinuwid din ni Mirano ang mga maling paniniwala ng ilang mga ina tungkol sa breastfeeding.
“Karamihan kasi sa mga nanay wala silang ideya na bago pa lu-mabas ang kanilang mga anak, in the later stage ng kanilang pregnancy, gumagawa na ang breast ng gatas na colostrum in preparation para sa paglabas ng baby nila. So, hindi totoo yung sinasabi ng ilang ina na wala silang gatas.
Natural contraceptive
Mabisa rin ang pagpapasuso bilang natural contraceptive.
“Yung pagpapasuso pwedeng siyang form (ng contraceptive). During the first six months, exclusive siyang nagpapasuso, wala pa siyang iniintroduce na fluids o pagkain, and then hindi pa siya nagkakaroon o nagmemenstruation, six months lang siya mabisa.
Nagbigay rin si Mirano ng mensahe para sa mga magulang na ikonsidera ang pagpapabreastfeed sa kanilang mga sanggol.
“Ang gatas ng ina ang pinakamagandang dapat ibigay sa kanilang anak dahil sa benepisyo nito. Kung ang lahat ng mga sanggol ay pinapasuso ng mga nanay, sa kanilang paglaki, lahat ng ating mga mamamayan ay maging malusog.