NAG-SORRY daw agad si Bela Padilla sa kanyang BFF na si Kim Chiu nang malamang galit na galit ang ilang fans ni Chinita Princess matapos umere ang guesting nila sa Gandang Gabi Vice recenty.
Na-offend kasi ang mga fans and followers ni Kim sa mga biro ni Bela at ni Vice Ganda nang ipakita ang litrato ng ex-boyfriend ni Kim na si Gerald Anderson sa segment na “Tanong Mo Mukha Mo.”
“The next day, nag-text ako sa kanya noong nakita ko na yung mga comments. Parang nag-text ako sa kanya na, ‘Kim, may nasabi ba ako na na-offend ka or something?’ Sabi niya, ‘Wala.’
Tapos pinagtawanan lang din namin. Sabi ko, ‘Kung meron man, sorry.’ Kasi, ako rin, pinupuruhan niya ako noong GGV.
“Siyempre, iba rin yung pagka-edit sa napapanood namin. Ang dami niya ring ibinuking sa akin,” paliwanag ni Bela nang makachika ng press sa mediacon ng reunion movie nila ni JC Santos, ang “The Day After Valentine’s” na kalahok sa 2nd Pista Ng Pelikulang Pilipino.
Dugtong pa ng aktres, “Nagulat nga ako kasi hindi naman ako yung nag-joke. Si Vice naman yung nag-joke, pero ako yung napagbuntunan. Pero okay lang, naiintindihan ko naman kasi fans iyan, iba yung bugso ng damdamin nila. Kapag may naiisip sila, nasasaktan talaga. I understand.”
Samantala, isang taon matapos ang matagumpay nilang tambalan sa blockbuster movie na “100 Tula Para Kay Stella,” muling magsasama sina Bela at JC sa “The Day After Valentine’s”.
Ito’y isang kakaibang kwento ng pag-ibig nula sa panulat at direksyon ni Jason Paul Laxamana at mapapanood na sa mga sinehan nationwide simula sa Aug. 15.
Gagampanan ni Bela rito ang karakter ni Lani, isang simpleng dalaga na mahilig sa “broken things” at Baybayin, ang sinaunang sistema ng pagsulat ng mga Pinoy. Si JC naman ay si Kai, isang binatang nahihirapang mag-move on sa kanyang past relationship. Nagtagpo sila sa isang di inaasahang pagkakataon, at dahil nag-click sila agad, napagpasyahan nilang lumabas at gumimik ng Valentine’s Day. Magawa kaya nilang tulungan ang isa’t isa sa maikling panahon ng kanilang pagsasama?
Kumpara kina Fidel at Stella ng “100 Tula,” mas kumplikado ang karakter nina Kai at Lani sa “The Day After Valentine’s”. Ayon nga kay Bela mari-realize n’yo sa pelikulang ito ang katotohanang “masakit ang magmahal.”
Sey naman ni JC, mas rewarding ang muling pagtatambal nila ni Bela with Direk Jason Paul, na siya ring sumulat at nagdirek ng kanilang unang movie.
Kinunan ang ilang eksena ng pelikula sa napakagandang isla ng Hawaii na siguradong magdadagdag ng kakaibang mood at vibes on screen. Dagdag pa rito ang heart-tugging soundtracks na kinabibilangan ng “Akala” ni Marion Aunor; “Taguan” ni John Roa; “Pag-ibig Lang” ng The Juans; “Feel” nina Jameson Tenorio and Ian Ancajas; and “For the Rest of My Life” ni Bela.
Produced by VIVA Films, ang “The Day After Valentine’s” ay rated PG ng MTRCB at Graded A naman ng Cinema Evaluation Board Mapapanood na ito sa mga sinehan simula sa Aug. 15.