Binigyang parangal ng Games and Amusements Board (GAB) si dating Health secretary Paulyn Jean Rosell-Ubial nitong Miyerkules sa tanggapan ng GAB sa Makati City.
Personal na sinaluduhan ni GAB chairman Abraham Kahlil “Baham” Mitra ang dating kalihim dahil sa ilalim ng pamumuno ni Ubial naisakatuparan ang kasunduan sa pagitan ng GAB at DOH para sa libreng MRI (magnetic resonance imaging) at iba pang medical exam para sa lahat ng professional boxers ng bansa.
Unang binanggit ni Ubial ang kahandaan ng DOH na makatulong sa pro boxing sa kanyang pagdalo sa 13th Philippine Boxing Convention sa Davao City noong Mayo 11, 2017. Opisyal na napirmahan ang memorandum of agreement noong Agosto 15, 2017. At nilagdaan ni Ubial ang administrative order No. 2017-0020 noong Oktubre 20,2017 na nagbibigay ng guidelines para sa libreng diagnostic, medical at neurologic exam para sa mga Pinoy pro boxers sa DOH hospitals sa buong kapuluan.
Na-implement ito noong Nobyembre 4, 2017.
“You helped save boxing,” sabi ni Mitra kay Ubial. “Kumukonte na mga Pilipino na ang gustong mag-boxing. Yuing ibang umalis ay nahihirapang bumalik dahil wala silang pera para sa MRI at iba pang medical tests na required. With secretary Ubial’s initiative, na-solve ang ilang problema ng mga boxers.”
Hindi tulad ng ibang Health secretary na kanyang sinundan, hindi hinihikayat ni Ubial ang mga boxers na tumigil na sa pagbo-boxing. Aniya, kailangan lamang na mapangalagaan ang kalusugan ng mga boksingero at masuri ng maaga kung mayroon man silang karamdaman.
Nagpasalamat din kay Ubial ang mga boxers na nakinabang sa libreng MRI tulad nina IBF super flyweight champion Jerwin Ancajas at dating Olympian na si Mark Barriga.
Malapit nang magtapos ang isang taong kasunduang ito pero naniniwala si Mitra na mare-renew ang kanilang kasunduan at maisasali pa ngayon ang mga atleta ng mixed martial arts at muay.