Beki runner, ibinabandera ang LGBT community

MAKULAY na long gown ang suot, may kolorete sa mukha na animo’y sasali sa beauty contest pero walang saplot sa paa habang tumatakbo.

Mahirap isipin pero isa siya sa mahigit 27,000 lumahok sa NCR leg ng 42nd National Milo Marathon noong Linggo sa Mall of Asia grounds.

Ito ang paraan ni Fritz Labastida, isang baklang ultra marathoner, upang isigaw sa buong mundo ang kanyang pagkatao at pagkahilig sa pagtakbo.

Noong linggo ay muling ibinandera ni Labastida ang kanyang kabaro nang makamit niya ang finisher’s medal sa centerpiece 42K event ng pinakaprestihiyosong foot race sa bansa sa loob ng apat na oras at 42 minuto.

Nang tawirin ni Labastida, 34-anyos at isang auditor, ang finish line ay iwinagayway niya ang watawat ng Pilipinas na sumisimbolo hindi lamang ng kanyang pangsariling kakayahan bilang Pilipino kundi pagtatayo na rin sa bandera ng LGBT (lesbian, gay, bisexual, transgender) community.

Paraan ito ni Labastida para pagbuklurin at patatagin ang kumpyansa sa sarili ng mga kapwa beki na gusto ngunit walang lakas ng loob na tumakbo dahil sa iilang mapanghusgang mga mata.

“I want to inspire all the people to run especially yung mga LGBTs na walang lakas ng loob na sumali sa sports dahil sa discrimination,” sabi ni Labastida na kasapi ng Fabulous Running Divas na layuning magbigay inspirasyon at kasiyahan sa pamamagitan ng pagtakbo.
Giit niya, walang pinipiling kasarian ang pagtakbo.

“Makisali na rin kayo sa running kasi malaking tulong siya sa healthy lifestyle and also to inspire others,” saad pa ni Labastida na isa ring barefoot runner, mountaineer, triathlete at duathlete.

Tradisyon na kay Labastida ang paglahok sa Milo Marathon kada taon dahil lubos siyang naniniwala sa mga aral natutunan dito na kanyang naisasabuhay araw-araw.

“For me, Milo Marathon is the grandest running event of the year talaga. Talagang inaabangan ko ito, ” sabi ni Labastida na nagsimulang lumahok sa pinakamalaking karera sa bansa taong 2016.

“Hinuhubog kasi dito kung gaano ka katibay, gaano ka ka-motivated para magtagumpay sa lahat ng bagay. Patuloy akong tatakbo sa Milo sa mga susunod pang taon”, aniya pa.

Sa pagtakbo inilalabas ni Fritz ang pagod sa trabaho at ibinubuhos ang lumbay na mawalay sa pamilya.

“Actually sa dami ng problema dinadaan ko na lang sa takbo. Sa family kasi, isa akong breadwinner, ” sabi ni Labastida na sinumulan ang running career noong 2009.

“Kasi sa buhay talaga sobrang hirap, mag-isa lang ako sa Manila tapos family ko nasa Leyte. Ako talaga sumusuporta, nagpapadala ng pera,” dagdag pa ni Labastida na araw-araw nagbibisikleta mula sa kanyang bahay sa Taguig patungo sa opisina sa Cubao.

Dahil pa sa pagtakbo, mas naging matiyaga, matatag at positibo pa si Fritz sa kahit anong pagsubok na ibato ng buhay.

“Yung mga values na natutunan ko in running is kung paano ka haharap sa problema, how to be strong na dapat ready ka sa lahat ng problemang dumating sa pamilya, kaibigan, team kailangan matatag at matibay ka lang at magtiyaga kung ano yung meron, kung ano yung binibigay ni God tanggapin mo siya,” aniya.

May tumaas mang mga kilay at nabuong pangungutya dahil sa kakaibang gimik, sinasalamin lang nito ang matinding kumpyansa ni Fritz sa sarili anuman ang sabihin ng iba.

“Dedma na lang sa mga kantyaw ng mga tao sa daan kasi alam naman natin minsan lang sila makakita ng naka-costume, naka-gown, nakapaa. Pero para sa akin walang problema, kasi confident ako.”

Read more...