KUNG ginagawang punching bag ng Pambansang Kamao ang kanyang mga nakakasagupa sa ring ay ganu’n din ang ginagawa ng mga taong walang magawa sa buhay sa kanyang misis na si Jinkee Pacquiao.
Ayaw tantanan si Jinkee sa social media, kaliwa’t kanang suntok ang ibinabato sa kanya ng mga taong humuhusga sa kanyang pagkatao, lalo na sa diumano’y pagiging sabik niya sa mga mamahaling materyal na bagay.
Sigurado kami na ang mga nagpapautang lang naman ng mga salitang bumabaon hanggang sa kunsensiya laban kay Jinkee ay ‘yung mga taong walang alam tungkol sa pinagdaanan nila ni Senador Manny Pacquiao.
Hindi naman kasi sila naging bilyonaryo sa isang iglap lang, dumaan muna sila sa matitinding sakripisyo, katuwang ng Pambansang Kamao sa mga yugtong ‘yun ang misis nitong si Jinkee.
Hindi iniwan ni Jinkee si Pacman lalo na nu’ng nangangarap pa lang na maging sikat na boksingero ang kanyang mister.
Magkahawak-kamay silang nagtiis sa kahirapan, magkasama silang humahanap ng paraan para mapalaki nang maayos ang kanilang mga anak, barya-barya pa lang nu’n ang premyo sa pagtatagumpay ng Pambansang Kamao na ngayon.
Natural, pagkatapos ng mga sakripisyo ay hindi krimen na regaluhan naman ni Jinkee ng mamahaling kagamitan ang kanyang sarili, lalo na’t sarili naman nilang pera ang kanyang ginagastos at hindi pera ng bayan.
Huwag na lang sanang patulan ni Jinkee ang mga patutsadang wala namang katotohanan. Siya ang nakakaalam ng kanilang pinagdaanan, alam niya ang katotohanan, kaya wala siyang dapat ipaliwanag sa kahit sino.