‘Inside job’ nasilip sa bank robbery; 2 sekyu kinasuhan

Cagayan

KINASUHAN ng pulisya ang dalawang security guard ng bangkong nilooban ng mga armadong nagpakilala bilang pulis sa Tuguegarao City, Cagayan, matapos makita ang posibilidad na may kinalaman sila sa nakawan.

Ipinagharap ng kasong robbery ang chief security guard na si Angelo Liban at guwardiyang si Ace Mark Gunnacao, sa Tuguegarao City Prosecutor’s Office nitong Huwebes, sabi ni Chief Supt. Jose Mario Espino, direktor ng Cagayan Valley regional police.

“Based on the assessment of PNP Tuguegarao, [Gunnacao and Liban] were cohorts of the robbers because of circumstances seen in the CCTV footage and their actuations during the investigation, coupled with their conflicting testimonies,” sabi ni Espino sa isang kalatas.

Pansamantala ngayong nakaditine ang dalawa sa Tuguegarao City Police Station, aniya.

Matatandaang nilooban ng limang lalaki na pawang mga nakasuot ng PNP green camouflage uniforms at may mahahabang baril ang bangko, na nasa Blumentrit st., Brgy. Centro 6, Martes ng gabi.

Nagpakilala pa bilang mga miyembro ng “inspection team” ng pulisya ang mga armado, na diumano’y nakatangay ng di bababa sa P20 milyon mula sa bangko.

Read more...