2 sugatan sa Antipolo blast

DALAWANG tao ang nasugatan nang sumabog ang bombang tinanim ng mga hinihinalang kasapi ng New People’s Army sa Antipolo City, Rizal, Martes ng umaga.

Nagtamo ng bahagyang pinsala ang mga sibilyang sina Jaime Cabanero, 38, at Ellaiza Acula, 23, na kapwa nakasakay sa isang tricycle, sabi ni Supt. Chitadel Gaoiran, tagapagsalita ng Calabarzon regional police.

Naganap ang pagsabog sa gilid ng isang kalsada sa Sitio Calumpang, Brgy. San Jose, dakong alas-11.

Dumadaan noon sa naturang lugar ang dalawang sasakyan ng Army 80th Infantry Battalion, ani Gaoiran, gamit bilang basehan ang ulat na nakarating sa kanyang tanggapan.

Inuunahan ng mga sasakyan ng Army ang isang tricycle, nang biglang sumabog ang improvised na bomba sa gilid ng daan, aniya.

Dahil sa pagsabog ay nawasak ang tricycle at nasugatan ang mga sakay nito.

Maaaring ang pagsabog ay pananambang sa mga dumadaang tropa ng pamahalaan doon, ani Gaoiran.

Read more...