Magandang aktres walang kupas ang kaartehan, pati mga pamangkin damay

TAWANAN nang tawanan ang mga magkakaumpukan isang gabi dahil sa isang magandang aktres na parang hindi pinagbabago ng panahon ang itsura. Maganda pero nagkakaisa ang lahat ng magkakaumpukan sa pagsasabi na puwedeng yumaman sa pagbebenta ng kaartehan ang female personality.

Sabi ng isang miron, “Kung ang pagkawala ng kaartehan niya ang hihintayin natin, e, wala tayong maaasahan. Hindi na mawawala ‘yun sa kanya, second skin na talaga niya ang pagiging maarte.”

Pero naaaliw naman ang magkakatropa dahil pati sa kanyang mga eksena ay pa-involved ang magandang aktres. Marami siyang kuda bago gawin ang isang eksena.

“Meron siyang drama na kailangang maintindihan ng mga batambata pa niyang pamangkin ang mga scenes na ginagawa niya. Tinatanong daw kasi siya ng mga bata kung bakit niya ginawa ang mga eksenang medyo nagpapakontrabida siya sa istorya.

“Marami siyang kiyaw-kiyaw, talagang may-I-involve niya ang mga pamangkin niya at mga batang fans niya sa mga ginagawa niyang eksena. Kulang na nga lang na baguhin pa niya ang script para lang mapasaya ang mga bagets na pamangkin niya,” kuwento naman ng isang miron sa umpukan.

Bukod sa mga kaartehang napapansin ng kanyang mga kasamahan ay may sariling mundo rin ang magandang aktres. Ang palagi niyang dahilan kapag hindi siya bumabati sa kanyang mga nakakasalubong ay dahil mahina raw ang kanyang mga mata.

“Wala namang problema sa mga mata niya dahil kahit maliliit na words sa script niya, e, nababasa niya naman nang wala siyang salamin. Ganu’n ba ang may kalabuang mga mata?

“Gusto na lang isipin ng mga dinededma niyang co-stars na siguro, e, bad hair day ‘yun, baka naman puyat lang siya at pagod, kaya ganu’n siya kawalang ganang bumati sa mga katrabaho niya.

“Pero hindi siya nakakainis, in fairness, kasi, kahit pa nag-iinarte siya, e, cute pa rin siyang tingnan. Parang may karapatan siyang umarte dahil maganda naman kasi siya.

“Kesa naman sa ibang artista diyan na nuknukan nang arte kahit wala namang karapatan. E, itong girl, kahit nag-iinarte na, e, maganda pa rin! Maganda talaga siya, para siyang nakatira sa wonderland,” pagtatapos pang chika ng aming impormante.

Wala nang clue, ha, Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, bigay na bigay na kung sino siya!

Read more...