HIGH na high ang pakiramdam ngayon ni Arjo Atayde dahil sa magagandang review na nababasa niya tungkol sa ginampanan niyang papel sa pelikulang “BuyBust” bilang si Biggie Chen.
Ang mga papuri ay mula sa mga taong nakapanood na nito sa Asian New York Film Festival at sa ginanap na celebrity screening kamakailan.
Ngayong araw na ang showing ng “BuyBust” sa mga sinehan nationwide at umaasa si Arjo na magtatagumpay ito sa takilya. Bukod dito, may good news pang ibinahagi ang aktor sa amin.
Isinama rin pala siya ni Coco Martin sa pelikula nila nina Vic Sotto at Maine Mendoza na “Jack Em Poy: Da Puliscredibles” na entry sa 2018 Metro Manila Film Festival handog ng M-Zet, APT, at CCM Productions mula sa direksyon ni Michael Tuviera.
Nagkaroon na ng storycon ang pelikula na ginanap nitong Sabado sa Novotel, Araneta Center at sobrang saya ni Arjo dahil makakatrabaho niya ang mga taga-GMA 7.
Aniya, “Sobrang excited po ako, Tita na makatrabaho uli si Coco and of course excited ako to work with people from the other network lalo na si Bossing Vic at si Maine.”
Tinanong namin kung ano ang papel niya sa “Jack Em Poy”, “Abangan na lang po tita, sa August 9 na po ang start ng shooting namin.”
Gugulatin na lang tayo uli ni Arjo tulad ng ginawa niya sa “BuyBust”.
Base sa nakita naming mga litrato sa social media, kasama rin sa nasabing 2018 MMFF entry sina Ronaldo Valdez, Cherrie Pie Picache, Baeby Baste, Jose Manalo, Mark Lapid, PJ Endrinal, Ryza Cenon at Tirso Cruz III.