MAHIGIT isang libong kilometro ang inilakbay at panandaliang pagkawalay sa anak ang tiniis ni Christine Hallasgo para tuparin ang matagal nang pangarap.
At tulad ng kanyang biyahe, may pinatunguhan ang pag-apak ng paa ng 25-anyos na ginang sa Maynila mula sa malayo ngunit simpleng tahanan sa Malaybalay City, Bukidnon.
Bitbit ang nagpupuyos na hangarin na makilala sa larangan ng pagtakbo, inirehistro ni Hallasgo ang pinakamabilis na tiyempo na tatlong oras, limang minuto at 17 segundo upang tanghaling kampeon ng women’s division ng 42nd Milo Marathon Manila qualifying race na nag-umpisa at nagtapos sa Mall of Asia grounds Linggo ng umaga.
Hindi lang nasulit kundi nagbunga pa ang sakripisyo at desisyong galawin muna ang naipong pera upang magamit para pamasahe paluwas ng Maynila gayundin ang pagtitiwala ng mga taong nagpaabot ng tulong pinansyal para suportahan siya ng buong-buo sa layuning magwagi sa 42.195-kilometer full marathon race.
Para manalo ay inalpasan ni Hallasgo ang taga-Davao at dating Milo Marathon queen na si Jho-an Banayag-Villarma (3:14:28) na pumangalawa sa karera noong Linggo.
Bumagsak naman sa pangatlong puwesto si Cinderella Lorenzo (3:17:46), ang kampeon ng Manila leg noong isang taon.
“Sinubukan ko pong mag-qualify ng 42K kasi ‘yun po ang pangarap ko, maka-qualify ng 42K kung kaya ko pa po,” sabi ni Hallasgo.
“Nagpapasalamat ako sa Panginoon kasi binigyan niya ako ng lakas kahit nag-cramps ako nung last five kilometers pero nakaya ko pa rin,” dagdag pa ng Malaybalay Runners bet na binalewala ang buhos ng ulan sa araw ng karera at pagiging hindi pamilyar sa ruta.
Nakipagsabayan si Hallasgo kay Lorenzo sa panimulang yugto ng karera ngunit nang makakita siya ng tiyempo upang iwanan ang mahigpit na katunggali ay agad siyang umalagwa sa 15-kilometer mark at hindi na lumingon pa tungo sa paghablot sa matamis na tagumpay at magarang tropeyo ng Milo Marathon.
Dati-rati, half marathon o 21K lang ang nilalahukan ni Hallasgo dahil natatakot siyang makipagsabayan sa full marathon noon.
Tinanghal siyang back-to-back queen ng 21K event noong 2014 at 2015 sa Cagayan de Oro City at noong 2017 sa Butuan City bago nagdesisyong mag-level up sa 42K race ngayong taon.
Hindi naman siya tumakbo taong 2016 dahil pinagbubuntis niya ang panganay na si Chrizxiah Mae noon.
Ngunit sa pamamagitan ng tiwala sa sarili, disiplina at tiyaga sa ensayo lalo na sa mga matatarik na lugar sa Bukidnon hindi na nakagugulat kung agad siyang magkampeon sa unang sabak pa lang sa full distance marathon.
“Bago ako nagpunta ng Manila nag-long run po ako ng four months. Nag-workout po ako kasama ‘yung mga runners sa amin na lalaki sila po ‘yung sinasabayan ko para mas ma-enhance ‘yung speed ko,” aniya.
“Hindi po ako nahirapan sa ruta kasi mas advantage sa akin kasi kadalasan sa training ko uphill tapos dito wala naman masyadong uphill kaya mas madali sa akin. Pero ‘yung klima po mainit po dito ‘yun po ang kaibahan sa amin dun po kami nahihirapan pag dito kami naglaro,” dagdag pa ng dating varsity scholar ng Bukidnon State University (BSU).
Malaking pakinabang din para sa kanya ang pagtakbo kahit noong nasa kolehiyo pa man bilang panlaban ng BSU sa State Colleges and Universities Association (SCUAA).
“Malaki ang naitulong mula nung college pa lang dahil ‘yun ang ginamit sa pambaon, pambayad ng boarding house, pangkain tapos nakabili ng konting lote para tayuan ng bahay (ng kanilang pamilya),” sabi pa ni Hallasgo na nagtapos sa kursong Public Administration.
Ipinangangako niya na pagbubutihin pa ang ensayo para maagaw ang korona kay five-time Milo Marathon champion Mary Joy Tabal sa National Finals na gaganapin sa Laoag, Ilocos Norte sa Disyembre 9.
“Alam ko pong malakas siya, mahirap siyang talunin pero susubukan ko, gagawin ko lahat ng makakaya ko kasi isa rin siya sa mga idolo ko. Challenge po sa akin na maka-compete ko ‘yung malalakas especially ‘yung Philippine team.”
Isa pang ultimate dream ni Hallasgo ang mapabilang sa pambansang koponan.
“‘Yun po ang isa sa mga pangarap ko, ang irepresenta ang bansa sa international competitions, kung ibibigay ng Diyos, malaking pasasalamat ko po iyon,” aniya.
Sa ipinakitang kumpiyansa ni Hallasgo para suungin ang takot at lumabas sa kanyang comfort zone ay nakatitiyak na malayo pa ang mararating ng marathon queen ng Bukidnon.