PH MUAY bets sibak sa ASIAN INDOORS

NALAGAS lahat ang mga pambato ng Philippine  muay team sa panimula sa kampanya ng bansa sa 4th Asian Indoor & Martial Arts Games sa Incheon, South Korea.

Tumabang ang paghahabol ng medalya ng Pilipinas nang napatalsik sa quarterfinals ang mga pinagpipitaganang muay artists na sina Philip Delarmino (-54kg), Jonathan Polosan (-63.5kg) at Jay Harold Gregorio (-67kg) sa men’s division at sina Preciosa Ocaya (-51kg) at Myra Adin (-54kg) sa women’s class.

Natalo sa dikitang labanan sina Delarmino at Polosan kina Bouaphan Phakkeo ng Laos at Chung Ngay Chin ng Hong Kong sa magkatulad na 2-3 iskor habang inilampaso si Gregorio ni Masoud Minaei ng Iran, 0-5, at sina Ocaya at Adin ay hindi umubra sa mga Thai muay lady fighters na sina Ruchira Wongsriwo at Ratcha Daphon Wihantmma sa magkatulad na 0-5 iskor.

Talsik na rin ang mga panlaban sa men’s at women’s 6-red snooker at men’s 1-cushion habang hindi rin pinalad ang mga bowlers sa men’s at women’s singles. Si Michael Angelo Mengorio ay natalo kay Yoni Rachmanto ng Indonesia, 1-5, sa men’s
6-red snooker, si Francisco dela Cruz ay luhaan kay Korean Durkhee Hwang, 73-100, sa men’s 1-cushion habang si Flordeliza  Andal ay lumasap ng 0-4 pagkatalo kay Nicha Pathom Ekmongkhon ng Thailand sa women’s 6-red snooker.

Binalikat ni Krizziah Lyn Tabora ang laban ng national bowlers nang pumasok siya sa quarterfinals sa women’s singles. Pero hindi niya kinaya ang Korean na si Jeon Ju Huwang sa round-of-8 para mamaalam sa iskor na 194-232.

Walang sinuwerte sa kalalakihan na umabante sa elimination round at si Raoul Miranda ang lumabas na pinakamahusay sa apat na kumatawan sa bansa nang tumapos sa ika-14 puwesto sa 77 naglaban sa 1282 iskor.

Lumabas na ang tanker na si Hannah Dato ang may pinakamagandang ipinakita nang nakapasok siya sa finals sa 200-m
individual medley sa short course (25-m pool) ngunit nangulelat siya sa walong naglaban sa kanyang 2:20.22 tiyempo.

Hindi pa naman tapos ang laban ng Pilipinas kung medalya ang pag-uusapan dahil malakas ang kampanya ng men’s at women’s chess team habang ang bowlers ay palaban pa sa doubles at Team-of-4.

Sina Iris Rañola at Rubilen Amit ay kakampanya pa sa women’s  9-ball at 10-ball. Tila nabawasan naman ng medalya ang  Pilipinas dahil hindi ito nakapagpadala ng manlalaro sa men’s 9-ball kung saan llamado ang mga Pinoy.

Read more...