John: Ok lang mang-intriga ka pero wag kang gagawa ng fake news!

JOHN ESTRADA

KILALA naming komikero at pa-labiro ang kaibigang John Estrada, pero nang banggitin ang plano niyang pagsasampa ng kasong libel laban sa isang kasamahan sa panulat, bigla itong sumeryoso at halatang galit na galit pa rin sa balitang nanakit siya ng babae.

Sey ng aktor, “Wala akong natanggap na public apology o kahit makitaan ko man lang siya ng remorse sa ginawa niya. Okey lang ‘yung mang-iintriga ka, pero yung gagawa ka ng maling kuwento na dinadamay pa ang asawa ko na wala namang alam sa isyu, yun ang hindi ko mapapalampas.”

May mga nagsabi namang nag-retract na ang writer at humingi na ng apology, pero hindi raw ito nakarating kay John.

Actually, inunahan lang daw namin ang aktor sa naturang isyu dahil talaga raw balak na niyang isampa sa korte ang kaso, kasabay ng pag-ere next week ng fantasy-action series ng GMA na Victor Magtanggol kung saan gaganap siyang kontrabida ni Alden Richards.

Kahit nga sa biruang paluluhurin niya ang writer sa harap niya bago ito patawarin ay seryoso pa rin ang pagsasabi niyang ipapakain niya rito ang martilyong gamit niya sa Victor Magtanggol at pasusukahin daw niya ito pera para ipambayad sa abogado.

Samantala, masaya si John sa paglipat niya sa GMA 7 at sa unang project na ibinigay sa kanya. Maayos daw siyang nagpaalam sa ABS-CBN kaya umaasa siya na makakabalik pa rin siya sa kanyang mother network kung sakaling wala na siyang ginagawa sa Siyete.

Sa katunayan, may bonggang project sana siyang gagawin sa ABS-CBN after ng maiskandalong pag-alis niya sa huling drama series niya roon (The Good Son) pero nang dahil nga sa Victor Magtanggol na nauna na niyang natanguan, “I have to beg off.”

Read more...