Ate Guy walang alam sa pagpapakasal ni Lotlot: Sorry po, hindi pa rin kasi kami nagkikita ngayon!

LOTLOT DE LEON, NORA AUNOR AT JANINE GUTIERREZ

NAKIUSAP ang Superstar na si Nora Aunor na huwag na siyang tanungin tungkol sa pagpapakasal ng kanyang adopted daughter na si Lotlot de Leon sa Lebanese boyfriend nitong si Fadi El Soury.

Sa nakaraang presscon ng bago niyang primetime serye sa GMA 7, ang Onanay, inamin ng award-winning actress na wala silang communication ngayon ni Lotlot.

“Sorry po, pero hindi kami nagkikita sa ngayon,” ang pahayag ni Ate Guy na tumanggi ring magdetalye kung bakit hindi pa rin sila nakakapag-usap hanggang ngayon ng kanyang anak.

Kung matatandaan, huling nagkita ang mag-ina sa lamay ng nakababatang kapatid ng Superstar na si Eddie “Buboy” Villamayor. At dito nga nasabi ni Lotlot na “complicated” ang status n relasyon nilang mag-ina,

“May mga bagay kasi na hindi ko na rin puwedeng ipaliwanag. Puwede kong ipaliwanag sa inyo pero hindi naman lahat ng tao makakaintindi.”

Samantala, balik-drama si Ate Guy sa Kapuso series na Onanay na magsisimula na sa Aug. 6 sa GMA Telebabad. Makakasama niya rito sina Cherie Gil, Wendell Ramos, Adrian Alandy, Rochelle Pangilinan, Mikee Quintos, Kate Valdez, Gardo Versoza at ang latest discovery ng GMA na si Jo Berry.

“Sobrang kakaiba ito kasi binigyan ng GMA ng break to play lead ang isang maliit na taong gaya ni Jo Berry, na siyang gumaganap bilang anak ko rito. Lagi siyang inaapi dahil kulang siya sa height at ako ang tagapagtanggol niya. Marami siyang pinagdaanan dito.

“Pinakasalan siya ni Adrian Alandy pero inapi-api siya ng biyenan niyang si Cherie Gil. Nagka-baby sila, si Kate Valdez, pero kinuha at pinalaki ni Cherie kaya ikinahihiya si Jo. Nagkaroon ng isa pang anak si Jo nang ma-rape siya, si Mikee Quintos, na hindi naman niya gaanong pinapansin kasi nga produkto ng rape,” kuwento ng Superstar sa plot ng Onanay.

Puring-puri ni Ate Guy si Jo sa unang pagsabak nito sa teleserye, “Ang masasabi ko lang kay Jo, isa siyang magaling na artista. Magaling mag-memorya, magaling umarte, at napakabait na tao. Bilib ako.”

Para naman kay Cherie na siyang magpapahirap sa buhay ni Onanay, “For this to happen in her life, she must’ve done something wonderful in her life to get such a blessing, I don’t believe in coincidences. And in spite of the limitations that she has, she’s never stopped herself from going out there and living as all of us should. I’m in awe of her, about her life and what she went through.”

Read more...