IPINAGMAMALAKI ni Christian Bables ang “Signal Rock” dahil ito ang unang pelikulang siya ang bida at napasama pa sa 2nd Pista Ng Pelikulang Pilipino na mapapanood na simula Agosto 15 sa lahat ng sinehan.
“Ang role ko po rito ay si Intoy, straight guy na probinsyano na mahal ang pamilya,” saad ng aktor.
Hindi pa rin daw siya makapaniwala na nakatrabaho niya ang isa sa mga iniidilo niyang direktor na si Chito S. Roño.
“I’m happy, honored and blessed na nakatrabaho ko si direk Chito, pangarap ko talaga na mapasama sa pelikula niya. So, nabigyan ako ng pagkakataon na makatrabaho siya, so wala na sigurong mas sasaya pa sa pakiramdam.
“Sobrang loving na direktor. Kapag alam niya ang ginagawa mo as an actor, mamahalin ka niya,” papuri ni Christian kay Direk Chito.
Ikalawang beses na ni Christian na mapasama sa isang film festival, una na nga riyan ang “Die Beautiful” pero hindi nga siya ang bida rito kaya mas doble ang saya niya dahil sa “Signal Rock”, siya talaga ang gumaganap sa main character.
“Pressured kasi magaganda ang lahat ng entry sa PPP kaya ipinagpapasa-Diyos ko na lang. Basta kaming lahat dito, ang cast, staff and crew ay ibinigay ang best sa ‘Signal Rock’ kaya doon ako nakahawak,” sabi pa ng aktor.
Dagdag pa niya, “Kung sa Die Beautiful, okay lang ako kasi hindi ako ang bida, pero ngayon ako ang bida, pangalan ko magdadala sa movie kaya pressured po ako.”
Samantala, nasa pangangalaga na siya ni Boy Abunda kaya tinanong namin kung anong nangyari sa dati niyang manager na si Jeff na siyang naka-discover sa kanya at kung naghiwalay na sila ng landas.
“Okay naman po, nag-co-manage na po kami kay tito Boy, so nandiyan pa rin, pero lahat ng decision making si tito Boy.
“Kung gaano po kalaki ang utang na loob ko kina direk Jun Lana at direk Perci Intalan, ganu’n din kalaki ang utang na loob ko kay sir Jeff at hindi mawawala ‘yun,” pahayag ni Christian.
Tinanong namin kung anong dahilan at humingi siya ng tulong kay kuya Boy, dahil sa huling pag-uusap namin ay wala silang problema ng manager niya.
“Naipit po kasi ako, nasa gitna ako. It was a misunderstanding with sir Jeff and IdeaFirst. Ngayon po nakakapagsalita na ako kasi okay na kami nina direk Jun and direk Perci, humingi na ako ng apology sa kanila,” ingat na ingat na sagot ni Christian.
Hindi na namin kokontrahin ang kuwentong ito ng aktor dahil malayo ito sa mga alam namin kung bakit nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan pero ang maganda, nagkaayos na sila.
Ang magandang nagawa ng IdeaFirst kay Christian ay sila ang nakapagsara ng TV project nitong Halik na eere na sa Agosto 13.
Si Direk Perci ang nakipag-usap sa ABS-CBN na baka puwedeng i-consider si Christian sa mga serye at itong Halik nga ang unang project ng aktor.
Anyway, nag-imbita ang aktor na panoorin ang “Signal Rock” dahil maganda ang kuwento nito na kinunan pa sa Samar sa loob ng 15 days at talagang ikinulong sila roon ni direk Chito, “Locked in po kami, walang uwian at masarap naman kasi ang ganda ng nangyari, simpleng buhay kami roon.”
Umaasa ba ng award si Christian sa karakter niya sa “Signal Rock”, “Wala naman po. Basta kabado po ako kasi first title role ko.”