NOONG Martes ay naimbitahan ako sa press conference sa City of Dreams para sa title fight nina Vietnamese Martin Nguyen at Filipino Kevin Belingon para sa ONE Championship interim bantamweight championship.
Ginanap ang laban Biyernes ng gabi sa Mall of Asia Arena.
By now, palagay ko ay alam nyo na kung nagtagumpay si Kevin sa pagtatangka nitong makuha ang kanyang kauna-unahang title sa ONE Championship.
Pero mas mabigat ang dahilan ni Martin na manalo dahil history para sa kanya kapag nanalo siya.
Si Martin ay two-division champion na sa featherweight at lightweight at gusto niyang maging three-division titlist kaya nga bumaba siya sa bantamweight.
Pangalawa niya itong pagkakataon dahil sa una niyang pagsubok ay tinalo siya ni Bibiano Fernandes, ang reigning ONE Championship bantamweight title holder sa isang split decision na panalo.
Isa ako sa unang nagtanong sa press conference pero bago ko tinanong si Martin, sinabi ko muna sa kanya na hindi ko siya pwedeng batiin ng Good Luck dahil nga Pinoy ang kalaban niya pero nung tinanong ko naman si Kevin, nag-Good Luck muna ako sa kanya.
Sabi ni Kevin, 100% daw ang chances niya na manalo pero lahat naman ng fighters ay ganyan ang pag iisp pag lalaban.
Pero sa totoo lang, talagang kakailanganin niya ng swerte dahil matinding kalaban itong si Martin. Mahirap mag champions sa mixed martial arts pero ang mama na ito ay dalawang korona ang hawak.
Ang tanong ko sa kanya ay kung ano ang plano niya kung manalo siya sa Biyernes.
Ang sagot niya, nais niyang maunify daw ang lahat ng tatlong belts na hahawakan niya at kung matalo naman ay may dalwa pa naman daw siyang titles na dedepensahan.
Oo nga naman at bata pa naman siya, 29 pa lang.
Gagawin daw lahat ng dapat gawin at gagamitin lahat ng kanyang nalalaman para ipanalo ang laban niya.
Napakahalaga daw kay Kevin ng laban na ito dahil pwedeng maging stepping stone niya ito para makasagupa si Fernandes.
Ang isa pang lalaban sa Biyernes na Pinoy ay si former lightweight champion Edward Folayang na makakaharap si undefeated Russian Aziz Pahrudinov.
Kay Edward kinuha ni Martin ang lightweight title at sabi naman ni ONE Championship chairman at CEO Chatri Siyodtong, babalik sa title track si Edward kapag nanalo siya.
Pero ang isang aabangan ng mga fans ay si 51 year old Brazilian Renzo Gracie na nag-unretire after 8 years para labanan ang isa pang legend na katulad niya, ang Hapon na si Yuki Kondo, 43.
Kahit nga daw di siya bayaran ay lalaban siya dito, sabi ni Renzo. Mayaman na kasi ang fighter na ito pero kung tutuusin ay talaga namang may dapat ipagyabang ang mama na ito.