“MASAKIT na pagbintangan ka na nang rape ng tao!”
Ito ang bahagi ng reaksyon ng TV host-comedian na si Vhong Navarro nang makarating sa kanya ang balitang “guilty” ang naging hatol sa kasong grave coercion na isinampa niya laban kina Cedric Lee, Deniece Cornejo at Jed Fernandez sa Metropolitan Trial Court, Taguig Branch 74.
Ito’y kaugnay na rin ng pananakot at pambubugbog ng mga akusado kay Vhong sa condominium unit ni Deniece sa Taguig City noong January 22, 2014.
Sa pamamagitan ng kanyang Twitter account, ipinost ni ABS-CBN entertainment reporter MJ Felipe ang naging reaks-yon ni Vhong sa desisyon ng korte.
“Sobrang saya kasi ito yung justice na hinihintay natin, e. Parang bumabalik sa alaala ko yung mga pinaggagawa sa akin, pwersahan kang pinapirma sa hindi mo naman kagustuhan, tinakot ka, sinaktan ka, binantaan ang pamilya mo, tinutukan ka ng baril.
“Nakikita ko yung justice system sa Pilipinas, sa atin, dahil talagang hindi ako pi-nabayaan. Yung mga taong nagdasal, sumuporta, patuloy na nagmahal sa akin. Yung legal team ko na matiyagang tumutok sa kasong ito for five years.”
“Kung nagawa sa akin, pwede ring gawin sa iba, di ba? Masakit na pagbibinta-ngan ka na nang rape ng tao, at dito makikita na unti-unti nang lumalabas ang katotohanan.”
May dalawa pang kasong isinampa si Vhong laban sa grupo nina Cedric na dinidinig pa rin sa korte, ang serious illegal detention at perjury.