Dinukot na police officer laya na

PINAKAWALAN ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA) Biyernes kay Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go ang isang pulis na dinukot sa North Cotabato noong nakaraang taon.

Pinalaya ng mga rebelde si Insp. Menardo Cui sa Sitio Apog Apog, Brgy. Panaka, bayan ng Magpet, dakong ala-1:45 ng hapon.

Matapos iyo’y itinurnover ni Go si Cui kay Southern Mindanao regional police director Chief Supt. Manuel Gaerlan, sa Davao City, ayon sa impormasyong nilabas ng tanggapan ni Go.

Naroon din sa turnover si Chief Supt. Marcelo Morales, direktor ng Central Mindanao regional police kung saan kabilang ang unit ni Cui.

Si Cui, deputy police chief ng President Roxas, North Cotabato, ay dinukot ng mga armado mula sa isang videoke bar sa naturang bayan noong Dis. 28.

Ayon kay Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng North Cotabato provincial police, wala pang pormal na ulat tungkol sa pagpapalaya kay Cui, bagamat dati na silang sinabihan ng crisis management committee na maaaring magkaroon ng “positive development” ngayong linggo.

Dalawang police team ang binuo para tutukan ang kaso ni Cui, isa’y nakabase sa North Cotabato at isa pa’y nasa Davao, aniya.

Read more...