GANDANG araw Ate Beth,
Ako po si Aquarius girl ng Bago City. May problema po ako kasi. May anak ako sa labas na hindi alam ng mister ko.
Kasi hinalay ako ng kaibigan niya na dati ay sa bahay naming natutulog. Ano po ba ang gagawi ko kasi malaki na ang bata at mag-a-apat na taon na. Tapos ang ama ay hindi man lamang nagbibigay ng suporta sa bata.
Ano ba ang dapat kong gawin?
Aquarius girl
Dear Aquarius girl.
Sa totoo lang, naguguluhan ako sa kwento mo. Paano ka hinalay kung lagi namang nakabantay ang asawa mo?
Paano ka nabuntis at nanganak nang hindi alam ng asawa mo? Sabi mo hindi alam ng mister mo, so, nasaan ang bata?
Alam ba nung nanghalay sa iyo na may anak ka sa kanya?
Pero kung ang sinasabi mo na nagkaroon ka ng anak, na sa pagkaalam ng mister mo ay sa kanya, pero hindi naman pala, ang suggestion ko ay mag-usap kayong mag asawa.
Sabihin mo sa kanya ang lahat ng nangyari sa iyo, kung totoo man na hinalay ka ng kaibigan niya habang nakikituloy siya sa inyo.
Siguro naman kilala ka ng asawa mo kung ano’ng klase kang babae. So sabihin mo sa kanya ang lahat ng nangyari. Lahat-lahat, wala kang ililihim o walang ibabawas o idadagdag sa istoryang nangyari sa iyo.
Yun nga lang kailangang maging handa ka sa anumang magiging resulta. At ang resulta ay maaaring matanggap niya ang lahat. Maaring maguluhan siya sa una, magalit, magduda, at saka matanggap ang nangyari sa inyo pero yung makalimutan ay maaaring matagalan.
Pwede rin naman hindi niya talaga matanggap at masira ang pagsasama ninyo.
Dapat kasi nung panahong nangyari iyon, ipinagtapat mo na sa kanya para kahit papaano matanggap na niya ang nangyari. Pero dahil nga sa lumalaki ang bata at hindi mo naman pwedeng itago habambuhay iyan, kailangan mo nang aminin.
Isa pa, huwag ka nang umasa pa sa ama ng bata kung wala ka rin namang balak makipag relasyon sa kanya. Tutal nabuhay mo na ng apat na taon yung bata, panindigan mo na!
Pwede kang humingi ng legal na opinyon sa abogado para alam mo paano bibigyang proteksyon ang sarili mo at yung bata.