NASAWI ang isang lalaki, kanyang maybahay, at ang 2-anyos nilang anak nang masalpok ng van ang sinakyan nilang tricycle, sa Surigao City, nitong Miyerkules, ayon sa pulisya.
Nakilala ang mga nasawi bilang sina Wilbert Gingo, 45; misis niyang si Marlina, 43; at anak nilang si Khean Mark, pawang mga residente ng Placer, Surigao del Norte, ayon sa ulat ng provincial police.
Naganap ang insidente dakong alas-9 ng umaga, sa Purok 6, Brgy. Bonifacio.
Minamaneho ni Wilbert ang tricycle mula Brgy. Boyongan, Placer, patungong Surigao City proper, nang masalpok ito ng Toyota Hi Ace van na dala ni Recto Acevedo, 37, ayon sa ulat.
Sa lakas ng impact, agad nasawi sina Marlina at Khean Mark. Itinakbo pa ng mga rescuer si Wilbert sa Caraga Regional Hospital, kung saan siya idineklarang patay ng doktor.
Dahil din sa impact, nawasak tricycle at humiwalay ang side car nito sa motor. Kinakitaan naman ng pinsala sa kanang bahagi ang van.
Lumabas sa imbestigasyon na pumutok ang isa sa mga gulong sa likuran ng van kaya nawalan ng kontrol sa sasakyan si Acevedo, hanggang sa lumipat ito sa sa kabilang lane at nasalpok ang tricycle.
Tumakas si Acevedo matapos ang insidente, ngunit sumuko rin nang araw na iyon sa Surigao City Police Station.