Anne binansagang bagong action queen ng Pinas dahil sa ‘BuyBust’

“NAPAGOD ako sa pelikula.” Ito ang komento ng halos lahat ng nakausap namin pagkatapos mapanood ang “BuyBust” sa ginanap na celebrity screening nito sa Trinoma Cinema 7 last Monday.

Nakakapagod naman kasi talagang panoorin ang mga eksena sa pelikula, ilang minuto lang ang daldalan sa simula tapos puro aksyon na. Totoo ang kuwento ni Direk Erik Matti na mahirap ang shooting ng “BuyBust” dahil sa masikip at makipot nitong lokasyon bukod pa sa palaging umuulan at madilim ang lugar.

Ang binabanggit ni Anne Curtis na eksena na sobrang nahirapan siya habang kinukunan nang dire-diretso at walang putol ay umabot daw sa tatlong araw at 57 takes pero ang ipinakita sa pelikula ay halos walong minuto lang yata.

Ang tindi rin naman kasi ng mga eksenang iyon, nagsimulang makipagbakbakan sa ibaba paakyat sa bubong, tapos bumaba ulit, sapakan na naman, akyat uli at may patalun-talon pa. Isa lang ito sa mga nakakapagod na eksena sa pelikula dahil sa walang katapusang bakbakan. Iisipin mo nga kung saan kumuha ng lakas si Anne para magawa ito.

Ang kuwento ni direk Erik ay madaling araw na ito kinukunan kasi nga gabi ang lahat ng eksena at nagse-set-up pa sila, samantalang ang bida niya ay may trabaho naman sa araw bilang host ng It’s Showtime.

Hindi naman itinanggi ni Anne na umiiyak na siya sa hirap ng mga ipinagagawa ni Direk Erik, sa katunayan puro pasa ang katawan niya pagkatapos ng shooting nila sa pelikula.

Bilib nga ang lahat sa aktres at sinabing siya na ang ultimate Action Queen ng Pilipinas.

Sabi nga namin kung miyembro kami ng award giving body ay si Anne ang isa sa iboboto namin bilang Best Actress maski na Hulyo pa lang at maraming pelikula pang ipalalabas na makakalaban ng “BuyBust” lalo na sa mga pelikulang kasama sa Cinemalaya Film Festival, Pista Ng Pelikulang Pilipino, Metro Manila Film Festival at iba pang festivals sa bansa.

Pero siyempre, hindi naman mapupuri si Anne kung wala ang mga kasamahan niya sa pelikula tulad nina Brandon Vera, Victor Neri, AJ Muhlach, Nonie Buencamino, Joross Gamboa, Alex Calleja, Levi Ignacio, Mara Lopez, Ricky Pascua, Lao Rodriguez at maraming iba pa.

Ang sinasabing “sorpresa” sa mga manonood ay ang karakter ni Arjo Atayde na sa bandang huli na ng movie lumabas kabilang na riyan ang ilang minutong daldalan at sapakan nila ni Anne.

Para sa amin, malaki ang papel ni Arjo sa pelikula dahil sa simula pa lang ng kuwento ay ang karakter na niya bilang si Biggie Chen ang target ng mga PDEA? Sa kanya na iikot ang kuwento dahil siya ang hinahanap para i-buybust.

Naalala namin ang tanong kay Arjo sa grand mediacon ng “BuyBust” kung ala-Joaquin Tuazon na karakter niya sa FPJ’s Ang Probinsyano ang makikita sa kanya sa pelikula pero ayaw niyang sagutin.

Sobrang layo ni Joaquin kay Biggie Chen kaya pala maganda ang feedback kay Arjo ng mga taga-Amerika na nakapanood ng “BuyBust” sa ginanap na New York Asian Film Festival at may mga nagsabi pa ngang posibleng mapasok niya ang Hollywood dahil sa markado niyang karakter sa pelikula.

Tawang-tawa naman kami sa nanay ng aktor na si Sylvia Sanchez pagkatapos nitong panoorin ang pelikula dahil hindi siya nagsasalita, nakatingin lang siya sa amin na parang tulala at biglang ngumiti.

“Hindi ko kasi alam sasabihin ko, kasi siyempre anak ko si Arjo pero kinilig ako, ang galing ng anak ko!” ang tanging nasabi ng aktres.

“Magaling silang lahat, wala kang itatapon sa bawa’t artistang nasa pelikula, saludo ako sa kanila, mahirap ‘yung shooting nila, hindi biro ‘yun!” sambit ni Ibyang.

Tama lang na Grade A ang ibinigay ng Cinema Evaluation Board (CEB) sa “BuyBust” dahil sa quality nito at tama lang din na R-16 ang ibigay ng MTRCB sa “BB” dahil sa madudugo at bayolenteng eksena rito.

Ang “BuyBust” din ang magiging opening film sa 2018 Cinemalaya sa Agosto 3 pero mapapanood muna ito nationwide sa Agosto 1 hatid ng Viva Films at Reality Entertainment.

Read more...