‘Estafador’ nakasungkit ng pwesto sa gobyerno

NATULOY rin pala ang appointment bilang “director” sa isang kagawaran na may opisina sa Malacanang ang isang dating mediaman na sangkot sa iba’t ibang kalokohan.

Bukod sa kilalang manggagamit sa pangalan ng kanyang mga kasamahan sa trabaho para makakuha ng mga proyekto ay isang kooperatiba rin ang nabiktima ng opisyal na ito.

Dating blocktimer sa isang local radio station sa isang lalawigan ang nasabing kooperatiba.

Dahil naghahanap sila ng isang sikat na radio station sa nasabing lugar kaya nila nakilala ang dating mediaman na siya ring officer-in-charge sa nasabing himpilan.

Maganda ang simula ng kanilang transaksyon pero nagsimula itong magkaroon ng problema nang mangutang sa blocktimer na kooperatiba ang bida sa ating kwento ngayong araw.

Umabot sa higit sa P1 milyon ang loan ng mediaman sa nasabing blocktimer dahil sa maluho niyang pamumuhay.

Naadik rin siya sa pambabae at sa kabila ng kanyang itsura ay pinatulan siya ng mga ito dahil sa kanyang dalang pera.

Iyon din ang dahilan kaya siya iniwan ng kanyang misis na isa rin namang professional at may sariling career.

Na-assign rin sa Metro Manila ang ating bida pero hindi nagtagal ay muli siyang pinabalik sa lalawigan dahil sa kanyang kayabangan at pambubukol sa mga kasamahan.

Dati na rin siyang muntik maitalaga bilang assistant secretary sa kagawaran na ating binabanggit pero hindi ito natuloy dahil sa kasong estafa na isinampa laban sa kanya ng niloko niyang kooperatiba.

Pero nang mamatay ang isa sa mga opisyal ng nasabing kooperatiba kamakailan ay nakakuha ng tiyempo ang ating bida kaya niya naipilit na maipwesto siya sa isang sensitibong posisyon na hawak nya ngayon sa pamahalaan.

Ang opisyal na bida sa ating kwento ngayong araw ay si Mr. J….as in Juanito.

Read more...