Ayon kay Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., nag-usap si Pangulong Duterte at Arroyo bago ang State of the Nation Address. Hiniling ni Duterte na hayaan na munang maupo si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez sa rostrum bilang speaker.
“Si Speaker GMA at si Presidente Duterte lang ang nag-usap na itong SONA kumbaga paupuin muna at patapusin lang ‘yung SONA at kung sino man may numero at ipinapakita na nga ni GMA na may numero sya, sya na ‘yung mauupong Speaker sa House of Representatives,” ani Andaya.
Nang tanungin, sinabi ni Andaya na “pwedeng mamaya (Lunes) o pwedeng bukas (Martes) binigyan lang natin ng daan na maidaos ng Presidente ang kanyang SONA”.
Ayon kay Andaya ninais nila na gawin ng maayos ang pagpapalit ng liderato.
Kung naging magulo man umano, sa huli ang mananaig ay kung sino ang mayroong numero. Kailangan ng 147 boto o mahigit kalahati ng 292 miyembro para manalong speaker.
“Sa pananaw ng 180 kanina nanumpa na si GMA bilang Speaker so ‘yun na ‘yun,” ani Andaya na itinanggi na siya ang pasimuno ng pagpatalsik kay Alvarez. “Hindi ah (nagsulong), follower lang ako.”
Ayon naman kay Albay Rep. Edcel Lagman nakakahiya ang nangyari kahapon.
“The election of Rep. Arroyo as the new Speaker…. was a shameful sham,” ani Lagman. “It was conducted without a prior attendance call, without the official mace, without any rules, without any record or journal, with the instant nominal voting based on a mere directory of members and without a sound system.”
Sinabi ni Lagman na makabubuti kung magsasagawa ng lehitimong eleksyon para sa pagpapalit ng liderato.
Kinondena naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang pagiging speaker ni Arroyo.
“What they did was a blatant and naked power grab. Sinagasaan ng kampo ni Rep. Macapagal-Arroyo ang proseso ng eleksyon sa Kongreso,” ani Zarate. “Sa pagpapalit ng liderato ng Kamara mula ay Speaker Alvarez patungo kay GMA ay makikita na mas titindi pa ang atake sa kabuhayan ng mamamayan tulad ng sa TRAIN law.”