TINANGGAL sa pagka-Speaker ng Kamara si Pantaleon Alvarez ilang minuto bago magsimula ang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte.
Pinalitan ng mga kongresista ang kanilang lider sa katauhan ni dating pangulo at Pampanga Rep. Gloria Arroyo.
Tumayo si Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., upang ianunsyo ang panawagan na palitan si House Speaker Pantaleon Alvarez.
Habang nagsasalita ay pinatayan ng mikropono si Andaya bagamat makikita pa rin ang video feed mula sa loob.
Makikita sa video ang pagbabasa ng roll call ni Davao City Rep. Karlo Nograles na tila nagbibilang ng suporta para kay Arroyo.
Makalipas ang ilang minuto ay nagpalakpakan na ang mga kongresista at tumayo na si Arroyo.
Siya ay inalalayan papunta sa rostrum kung nasaan ang upuan ng speaker. Sa video ay makikita ang panunumpa ni Arroyo bilang bagong speaker ng Kamara.
Kailangan lamang ng 147 boto o mahigit kalahati ng 292 kongresista upang mapalitan ang speaker.
Hindi nagtagal ay dumating naman ni Duterte sakay ng helicopter. Makikita naman sa video na sinalubong ang Pangulo ni Alvarez at Senate President Tito Sotto III at naglakad sila papunta sa holding area.