DAHIL sa kanyang dedikasyon at determinasyon na magbagong-buhay, natapos na rin sa wakas ni JM de Guzman ang tatlong taong drug rehabilitation program.
Ibinahagi ng Kapamilya actor ang good news sa kanyang Instagram account nitong nagdaang weekend, isang “graduation” photo ang ipinost niya na may caption na: “After almost three years, thank you self.”
Nakumpleto ni JM ang SELF Treatment, Rehabilitation & Value Formation Program kaya isa nga siya sa mga matagumpay na
nagmartsa sa ginanap na graduation ceremonies sa Sacred Heart Auditorium, SELF Taal View House sa Talisay, Batangas.
Kasama ni JM ang kanyang pamilya sa nasabing event na proud na proud sa ipinakita niyang tapang at disiplina habang nasa loob ng rehab.
Kung matatandaan, sumaila-lim sa voluntary rehab ang binata tatlong taon na ang nakararaan matapos malulong sa paggamit ng ilegal na droga. Ito ang dahilan kung bakit ilang taon ding hindi napanood sa pelikula at telebisyon si JM.
Nag-post din sa Facebook ang kanyang tatay na si Ronniel de Guzman ng ilang litrato na kuha sa nasabing graduation. Kasabay nito, sandamakmak din ang nagpaabot ng pagbati kay JM kabilang na ang mga kapwa niya celebrities.