‘Kahit na-suspend ako sa Showtime sobrang saya ko pa rin dahil naaalagaan ko ang anak ko!’ -Hashtag Jon

ILANG buwang itinago ni Hashtag Jon Lucas sa publiko ang tungkol sa kanyang pagpapakasal at pagiging ama. Pero sa presscon ng pelikulang “Dito Lang Ako” ng Blade Entertainment, inamin niya ang lahat ng dapat aminin.

Hindi na nagawang itanggi ni Jon nang tanungin siya pagkatapos ng presscon kung totoong may anak na siya na naging dahilan kung bakit siya sinuspinde sa It’s Showtime bilang member ng Hashtag.

Halos mabulol si Jon sa pag-amin dahil nga ayaw muna sana niyang magsalita tungkol dito dahil ayaw niyang magamit sa promo ng kanyang launching film.

“Gusto kong magpakatotoo na may anak na po ako, lalaki at siya ang pumalit sa lungkot sa pagkawala ng mama ko. Nagkaroon na po ako ng baby boy, 8 months na po,” kuwento niya.

Sabi ni Jon nawala siya sa Showtime dahil nag-file siya ng leave matapos pumanaw ang mama niya last year at hindi pa niya kayang humarap sa mga camera para magpasaya ng mga tao.

Bukod dito ay may sakit din ang papa niya at kailangan niyang alagaan dahil nga ayaw niyang matulad sa nangyari sa mama niya na puro siya trabaho at hindi na namalayang may matinding sakit na pala ito.

“Hindi po kasi natin alam kung hanggang kailan natin makakasama ang mahal natin sa buhay kaya hangga’t kasama pa po natin sila ay samantalahin na natin,” katwiran ni Jon.

“Wala naman po akong planong itago, sabi ko nga, in perfect time. Kasi noon, nakipag-usap muna ako sa management. Siyempre, una management muna, respeto sa management. Respeto sa manager, kasi ‘yung manager ko, may plano sa akin.

“Minsan naisip nila, tulad nga sa generation natin, ‘yung fans baka masaktan kapag umamin ako, baka mawala sila sa tabi ko, e, makakaapekto talaga yun sa trabaho ko. So yun, tinanong ko muna ang management kung puwede munang in time na lang.

“Ngayon siguro ang pagkakataon na sabihin ko na sa tao na ito nga yung totoo, kung anuman yung consequence.

“Kahit na-suspend ako sa Showtime nalilibang ako ng totoong libang, nag-eenjoy ako ng totoong saya kasi naaalagaan ko yung baby ko habang lumalaki siya naibibigay ko ang responsibility ko bilang ama,” paliwanag ni Jon.

Masarap daw sa pakiramdam ngayon na umamin na siya at para sa kanya ay blessing ang baby niya dahil may mga project siya tulad ng “Dito Lang Ako” kasama sina Michelle Vito, Akihiro Blanco, Ms. Boots Anson Roa, Garie Concepcion, Senpai Kazu at Roadfill (ng Moymoy Palaboy) na mapapanood na sa Agosto 8, sa direksyon ni Roderick Lindayag.

Tinanong namin kung ano ang nauna, kasal o ang pagkakaroon nila ng anak ng misis niya?

“Kasal po muna bago nagka-baby. Last year po nangyari lahat,” sagot ng aktor.

Nagmadali ba si Jon sa pagkakaroon ng pamilya? “Hindi naman po, kasi doon na rin naman
patungo dahil matagal na kami ng girlfriend ko, so naisip ko rin na baka time na rin. Kasi naniniwala naman po ako na lahat ng nangyayari sa isang tao ay kagustuhan lahat ng Diyos, siya lang ang nakakaalam lahat.”

Kakaibang saya raw ang naibibigay kay Jon ng anak niyang si Bryzen Christian na walong buwan na ngayon, nawawala raw lahat ang pagod niya kapag nakikita niya ang bata.

Umaasa si Jon na sa pagtatapat niyang ito ay magkaroon pa rin siya ng maraming projects para sa pamilya niya.

“As of now po kasi wala akong regular show, pero sana magkaroon. May ilang out of town shows din naman po maski paano,” saad niya.

Humihingi ng pang-unawa si Jon sa mga supporter niya na intindihin siya dahil sa nangyari at wala naman daw siyang pagsisisi sa nangyari.

Sa pelikulang “Dito Lang Ako” gagampanan ni Jon ang karakter na Delfin, pareho sila ni Michelle Vito as Nelia na nagtatrabaho sa Blade car accessories at dito iikot ang kuwento ng love story nila.

May mall show ang buong cast sa Sta. Lucia Mall, Agosto 4, 3 p.m. at SM Taytay, 7 p.m.. Sa SM Megamall Cinema 7 naman ang red carpet premiere ng movie sa Agosto 6.

Read more...