BENIGN o hindi cancerous ang mga bukol na tinanggal sa dibdib ni Thea Tolentino kamakailan.
Todo ang pasasalamat ng Kapuso actress sa naging resulta ng biopsy sa anim na cyst na nakuha matapos sumailalim sa operasyon. Ayon sa kanyang doktor, mabuti na lang at naagapan agad dahil lumalaki raw ang mga bukol sa kanyang breast.
“Yung sa iba raw kasi nawawala nang kusa, pero yung sa akin, may mga lumalaki so kailangang tanggalin na agad siya para hindi na rin dumami,” pahayag ni Thea nang makausap namin sa presscon ng GMA Artist Center para sa exclusive workshops under New York-based acting coach Anthony Vincent Bova.
Ayon pa kay Thea, kailangan din niya ng regular check up para masigurong wala nang tutubong bukol sa kanyang dibdib. Pero aniya, maayos na naman daw ang kundisyon niya ay handang-handa na uling sumabak sa matitinding challenges ng pagiging aktres.
Siguradong mas maraming baon ngayon ang dalaga sa mga bago niyang proyekto dahil nga isa siya sa masuswerteng napabilang sa mga Kapuso stars na sumailalim sa panibagong set ng workshops ng international acting coach na si Anthony Vincent Bova.
Matapos ang kanyang pagbisita noong Pebrero, ang New York City professional acting teacher katuwang ang kanyang co-teacher at aktres na si Anna Feleo ay nagbigay ng “empowerment” training, na nakatuon sa “emotional and psychological alignment for peak performance” ng mga artista.
Bukod kay Thea, ilan pa sa mga naka-experience ng Bova training sina Chynna Ortaleza, Gil Cuerva, Benjamin Alves, Andrea Torres, Mikoy Morales at marami pang iba.
Babalik si Bova sa January 2019 upang magsagawa ng culminating activity kung saan maipapakita ng mga artista ang kanilang mga natutunan sa loob ng isang taon.