CEB binigyan ng Grade A ang ‘BuyBust’ ni Anne

ANNE CURTIS

PAANO kaya magkakasya ang 700 katao sa loob ng sinehan sa Trinoma kung ang capacity lang nito ay nasa 400 hanggang 500 lang?

May nakarating sa aming balita mula sa isa naming source na umabot na raw sa 700 katao ang may hawak ng ticket para sa celebrity screening ng pelikulang “BuyBust” ni Anne Curtis na gaganapin sa Trinoma Cinema 7 sa Lunes, Hulyo 23.

Hindi naman kataka-taka na aabutin talaga sa ganito karami ang gustong manood dahil ilan ba ang artistang kasama sa “BuyBust”? E, sa bawa’t artista sigurado kaming may kasamang dalawa hanggang lima ang mga ‘yan?

Paano pa ang staff and crew ng pelikula na may mga kasama rin? Siyempre gusto ring ipanood ng bawat taong involved sa proyekto ang pinaghirapan nila sa loob nang dalawang taon.

Tsika ng aming source na kung tama ang kalkulasyon niya ay aabot sa P200 million ang nagastos sa “BuyBust” ng Viva Films at Reality Entertainment dahil dalawang taon nga itong ginawa at hindi naman biro ang mga eksena dahil pawang big scenes lahat.

At ang bawa’t eksena raw ay umaabot sa tatlo hanggang apat na araw itong kinukunan at 57 takes pa base na rin sa kuwento ng direktor na si Erik Matti.

Kaya naman nang makatanggap ng Grade A ang “BuyBust” mula sa Cinema Evaluation Board (CEB) ay palakpakan ang buong cast dahil sulit ang mga hirap nila bukod pa sa mga papuri sa kanila ng mga taong nakapanood na sa Amerika kung saan ginanap ang New York Asian Film Festival.

And take note, sold out ang tickets kaya naman marami pa ang humingi ng extension.

Pero siyempre, magiging unfair naman kung may extension ang “BuyBust” sa NYAFF kaya abangan na lang nila sa ibang petsa at kung saan state pa ipalalabas ang much awaited film ni Anne Curtis kasama sina Brandon Vera, Joross Gamboa, AJ Muhlach, Victor Neri, Nonie Buencamino, Alex Calleja, Levi Ignacio, Mara Lopez, Arjo Atayde at marami pang iba.

Anyway, maraming screenings ang “BuyBust” bago magbukas sa mga sinehan sa Agosto 1 dahil ipalalabas din ito sa UP Film Center sa Hulyo 25 para sa mga estudyante.

Tama lang na maraming screening ang pelikula para mabawi ang P200 million na gastos nito na sa pagkakaalam namin ito ang biggest movie so far ng Viva Films at Reality Entertainment.

Sabi nga ni direk Erik, “Okay na ako sa award-award, mas gusto kong kumita ang pelikula, ang laki ng nagastos, eh.”

Oo nga naman.

Read more...