PANAHON na naman ng ulan at bagyo at sigurado ako, sobrang dami na naman nating mga kababayang motorista ang magbubukas ng “hazard lights” o flashers kapag bumibiyahe sa gitna ng malakas na buhos ng ulan.
Sa hindi ko na mabilang na pagkakataon, uulitin ko ang panawagang ito: “Huwag gamitin ang hazard lights bilang pagpapakita sa malakas na buhos ng ulan!”
Ang inyong mga ilaw sa likod at harap ay sapat na “illumination” na ng sasakyan ninyo para makita kayo ng ibang mga motorista sa daan kung malakas ang buhos ng ulan o low visibility.
Kapag sa tingin ninyo ay hindi sapat ang liwanag ng iba ninyong ilaw sa sasakyan, isa lang ang ibig sabihin nito, may diperensiya ang inyong mga ilaw at kailangan na itong dalhin sa shop para sa isang maintenance service.
Bakit po? Dahil ang ilaw ng inyong hazard lights ay kasing liwanag lang po ng lahat ng iba ninyong ilaw, tulad ng brake lights, back-up lights at night driving lights. Kaya’t kung hindi ito makita sa malayo, ibig sabihin ay may diperensiya ang bumbilya ng mga ito at nararapat lamang na palitan na.
Ang hazard lights ninyo po ay siya rin na “direction signal lights” ninyo. Opo, yan ang unang tawag sa signal lights, direction lights dahil ito ang nagsasabi sa ibang motorista kung ano ang balak ninyong gawin, liliko sa kaliwa o kanan depende sa kumukutitap na ilaw.
Kung bubuksan ninyo ang hazard lights ninyo sa malakas na buhos na ulan kung saan ang visibility ay sobrang malabo, hindi ninyo maipapaalam sa mga sasakyan sa harap at likod ninyo kung saan kayo pupunta.
Madalas sa hindi ay nagiging sanhi ito ng banggaan.
Ang mga ilaw sa ating sasakyan ay mga “signal lights.” Sinasabi nito ang mga gagawin ng ating sasakyan sa ibang motorista. Ang tawag dito ay “expressing or signaling your intentions.”
Ang pulang ilaw sa gitna ng likuran ninyo ay brake lights, sinasabi nito na kayo ay bumabagal at malamang na hihinto. Ang maliit na puting ilaw sa likod ay “back-up light” at sinasabi nito na umaatras o aatras ang sasakyan ninyo.
Ang dilaw na ilaw sa kaliwa o kanan ng sasakyan ay “turn lights” o sa atin ay “signal light” na ang ginagawa ay sinasabi sa motorista sa likod at harap natin na tayo ay liliko sa kanan kung ang kanan na ilaw ang bumubukas, at liliko sa kaliwa kung ang kaliwang ilaw ang kumukutitap.
Ang “hazard o flasher lights” ay nagsasabi sa mga motorista sa lansangan na ang sasakyan natin ay nakahinto at nasa alanganin na sitwasyon na dapat iwasan.
Kung bubuksan mo ito habang ikaw ay tumatakbo at nais mong lumipat ng linya sa malabong tanawin dulot ng ulan, malamang sa hindi ay mabangga ka ng nasa harap o likod mong sasakyan.
Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.