Divina tuluyan nang di kinasuhan sa Atio slay

IBINASURA ng Department of Justice (DOJ) ang petisyon ng mga magulang ni Horacio “Atio” Castillo III na isama si University of Sto. Tomas Faculty of Civil Law dean Nilo Divina sa kaso kaugnay sa pagkamatay ng kanilang anak nang sumailalim sa hazing noong Setyembre.

Ani Justice Secretary Menardo Guevarra, ibinasura ang petisyon na inihain noong Abril 19 ng mga magulang ni Atio na sina Horacio Jr. at Carminia dahil sa “late filing.”

Inihain ng mga magulang ni Atio ang petisyon matapos namang ipag-utos ang pagsasampa ng kaso laban sa 11 miyembro ng Aegis Juris fraternity noong Marso 6.

Hindi naman kinasuhan ang 24 na iba pa, kabilang si Divina at iba pang mga miyembro ng Aegis Juris fraternity.

Sa isang text message, kinumpirma rin ni Guevarra na ibinasura ng DOJ ang mga petisyon na inihain ni Ralph Trangia, isa sa 10 miyembro ng Aegis Juris fraternity na kinasuhan ng hazing charges sa Manila Regional Trial Court.

“The petitions for review are dismissed for procedural lapses,” sabi ni Guevarra.

Bukod kay Trangia, kabilang din sa mga kinasuhan sina Aegis Juris president Arvin Balag, Oliver John Audrey Onofre, Mhin Wei Chan, Danielle Hans Matthew Rodrigo, Joshua Joriel Macabali, Axel Munro Hipe, Marelino Bagtang, Jose Miguel Salamat, at Robin Ramos.

Nakakulong ang akusado sa Manila City Jail.

Itinakda ng Manila RTC ang pagbasa ng sakdal sa mga miyembro ng Aegis sa Hulyo 24.

Read more...