MATAGAL na naming naririnig ang pangalan ng indie actress na si Chai Fonacier pero hindi namin siya personal na kakilala hanggang sa mapanood nga namin ang “Patay Na Si Hesus” na naging entry sa 2017 Pista Ng Pelikulang Pilipino.
Tawa kami nang tawa sa kanya dahil napakanatural ng kanyang akting sa pelikula bilang lesbian na bisaya. Nalaman namin na tubong-Cebu siya kaya pala effortless ang diction niya sa nasabing pelikula.
Napanood din namin ang isa pang entry sa PPP na “Pauwi Na” at babaeng-babae naman ang karakter ni Chai roon bilang tindera ng sigarilyo na gustong laging naka-make up dahil baka raw makatisod siya ng mayamang boyfriend.
Bilib na bilib nga kami dahil extreme ang karakter ni Chai sa dalawang nabanggit na pelikula pero parehi niya itong nabigyan ng hustisya. Kaya hindi na kami nagtaka nang maiuwi niya ang Best Supporting Actress para sa mga pelikulang “Patay Na Si Hesus” at “Respeto.”
Kaya naman excited na kaming mapanood ang bago niyang pelikula na kasali sa 2nd PPP, ang “Pinay Beauty” mula sa Quantum Films, MJM Productions at Epic Media, sa direksiyon ni Jay Abello. Naniniwala kaming hahagalpak na naman kami sa katatawa lalo’t kasama pa niya ang iba pang mahusay sa komedya na sina Janus del Prado at Nico Antonio.
Bukod kay Chai, bibida rin sa pelikula sina Edgar Allan Guzman at Maxine Medina na susubukan namang magpatawa.
Anyway, sa mediacon ng “Pinay Beauty” ay natanong si Chai kung anong mayroon sa Cebu dahil mas pinili na nga ni John Lloyd Cruz na manatili roon kasama ang partner niyang si Ellen Adarna) at ang bagong silang nilang anak na lalaki.
Mukhang masyadong busy si Chai dahil hindi na siya nagbabasa ng pahayagan o nagtse-check sa social media dahil hindi niya alam na doon na nakatira ngayon ang sikat na aktor.
Aniya, “It’s not surprising kasi marami akong nakilala from Metro Manila na nu’ng nakilala ko sila, akala ko Cebuano, yun pala they’re from here and then they lived there ng mga five years, and very fluent na sila sa Cebuano.”
Ayon pa kay Chai, hindi sila personal na magkakilala ni Ellen kahit pareho silang taga-Cebu dahil nabibilang siya sa mahirap na pamilyang Fonacier at magkaiba rin sila ng circle of friends.
Ang pahayag pa ni Chai sa pananatili na ni JLC sa Cebu, “Natutuwa din ako actually. I think, I’m having similar experience with him na from Cebu, tapos lumipat ng Manila. I think, we’re both finding new things that we never had in our respective hometowns.”
Mapapanood na ang “Pinay Beauty” simula Agosto 15 hanggang 21 bilang entry sa 2018 PPP.