BILANG baguhang direktor, pasado na ang anak ni Carlo J. Caparas na si Peach Caparas with
her debut film “Jacqueline Comes Home (The Chiong Story”.
Napanood na namin ang unang pelikula ni Direk Peach sa ginanap na premiere night last Monday sa SM Megamall Cinema 12, na pinagbibidahan ng sexy actress na si Meg Imperial at ng internet sensation na si Donnalyn Bartolome.
Ang “Jacqueline Comes Home” ay tungkol sa panggagahasa at pagpatay ng anim na lalaki sa magkapatid na Jacqueline (Meg) at Marijoy Chiong (Donnalyn) na naganap noong July 16 1997 sa Cebu.
Maayos at malinaw ang pagkakalahad ng kuwento ng pelikula na isinulat nga para sa big screen ni Direk Carlo na nagsilbi ring assistant director ni Peach Caparas.
Habang pinapanood namin ang “The Chiong Story” ay bigla naming naalala ang mga massacre movies ni Direk Carlo, partikular na ang blockbuster hit na “Vizconde Massacre” ni Kris Aquino. Pero in fairness, may ibang tatak din si Peach bilang direktor na madali n’yong makikita sa movie.
Walang cinematic effect ang rape scene nina Meg at Donnalyn kaya ramdam na ramdam mo ang brutal na panghahalay at pagpapahirap sa kanila ng mga rapist, lalo na nang pilahan na sila ng mga suspek.
Sabi nga ng dalawang Viva artists, ipinaubaya nila kay Direk Peach ang maseselan nilang eksena. Naging maalaga rin daw ang mga gumanap na rapist nila sa pelikula kaya lumabas itong makatotohanan.
q q q
Tulad ng inaasahan namin, epektibong kontrabida at rapist si Ryan Eigenmann. Talagang isusumpa mo siya sa pelikula pati na ang gumaganap na katropa niya na si CJ Caparas.
Nabigyan din ng chance si AJ Muhlach na mag-shine sa eksena kung saan inuusig siya ng kanyang kunsensiya habang ginagahasa ang mga biktima.
Pagkatapos ipakita ang gang rape scene ay gusto mo rin silang ipabugbog at ipagahasa sa mga kriminal dahil sa matinding galit at pakikisimpatya sa Chiong sisters.
Higit sa kontrobersyal na tema ng “Jacqueline Comes Home”, may puso rin ang movie dahil tatalakayin din dito ang pagmamahal at pagpapahalaga sa pamilya at kung paano nakipaglaban para sa hustisya ang mga magulang nina Jacqueline at Marijoy na ginampanan nina Alma Moreno at Joel Torre.
Siguradong makikisimpatya ang mga ina kay Alma na hindi nagpatalo sa takot at matinding lungkot matapos mawala ang dalawang anak na dalaga. Napakagaling din ni Joel sa eksena habang iniiyakan ang bangkay ng anak sa morgue.
Showing na ang “Jacqueline Comes Home” ngayong araw, July 18, sa mga sinehan nationwide mula sa Viva Films. Ang pelikulang ito ay iniaalay din ni Direk Peach sa kanyang yumaong inang si Donna Villa.