Pacman ginamit ng sindikato sa socmed; pagbibigay ng cash at house & lot ‘fake news’

NAGLABAS ng official statement si Sen. Manny Pacquiao tungkol sa kumalat na balita na mamimigay siya na papremyo bilang “balato” sa pamamagitan ng isang pa-contest sa social media.

Isang malinaw na fake news daw ang naglabasang balita sa socmed at sa iba pang internet sites kaya huwag daw magpapaloko at magpapabiktima ang mga Pinoy sa modus na ito.

Narito ang opisyal na pahayag ni Pacman hinggil sa isyu: “Nakarating sa aking kaalaman na may mga kumakalat na balita sa social media na ako ay mamimigay ng mga premyo bilang balato dahil sa aking pagkaka panalo.

“Nais ko pong ipaalam sa lahat na walang katotohanan ang mga ito. Fake news po ang contest na ito kaya’t huwag po kayong maniniwala at magpapaloko sa maling balita. Salamat po,” aniya pa.

Ang nasabing fake news ay kumalat ilang araw matapos matalo ng senador sa bakbakan si Lucas Matthysse at makuha ang World Boxing Association welterweight title.

Isa sa mga naka-post sa Facebook ay ang balitang mamimigay daw si Pacman ng house and lot at cash sa 60 masusuwerteng netizens, ang kailangan lang daw nilang gawin ay i-like ang nasabing FB page, i-share ang post at mag-comment ng “Congrats.”

Ayon naman sa isa pang Facebook page, mamimili raw si Pacquiao ng 100 contestants na mananalo ng motorsiklo. Pero sabi nga ng Pambansang Kamao lahat ito ay fake news.

Read more...