HUMAHATAW ngayon sa Spotify PH’s Viral Playlist ang debut single ng Eat Bulaga resident pop band na Music Hero, ang “Walang Papalit”.
Maraming Dabarkads ang nakaka-relate sa kanta na tumatalakay sa pag-ibig, kasawian at second chances. Nitong Hunyo ni-launch sa Eat Bulaga ang “Walang Kapalit” at naging instant favorite agad ng mga OPM lovers.
“Ito ay isang relatable song dahil lahat naman tayo ay nakaranas na magmahal at masaktan. Sa pamamagitan nitong kanta, nais namin ipahatid na there’s always a second chance at love,” ayon sa vocalist ng grupo na si Manly Ocampo.
Si Manly ang itinanghal na “ultimate vocal hero” matapos makipag-compete ng siyam na buwan sa “Music Hero: The Vocal Battle” last year. Kasama niya sa banda ang walo pang talented young musicians na sina Radlee Laquian (acoustic guitar), Fender Dimalanta (electric guitar), Joaquin Rodrigo (drums), Jim Tan at RD Benavides (keyboards), JayR Corre (bass), Brian Feliciano (saxophone) at Dominique Casacop (violin).
Kuwento pa ni Manly, umabot sila ng isang buwan bago ma-record ang “Walang Papalit”, “Dahil galing kami sa iba’t ibang lugar at magkakaibang background, ilang beses naming pinag-usapan kung anong klaseng musika ang gusto naming iparinig sa audience.”
Tinawag na “elite revolutionary band” ang Music Hero dahil na rin sa iba’t ibang musical instrument na tinutugtog ng bawat miyembro. Nais ng grupo na sundan ang yapak ng hit 90s Filipino pop and R&B group na South Border.
Ayon kay RD Benavides, keyboardist, malaki ang impluwensiya ng veteran music band sa mga kantang kanilang pinakikinggan, “Nais naming makapag-produce ng timeless hits tulad ng naibahagi ng South Border sa music industry – yung tatak Music Hero.”
Maliban sa makapagbigay ng entertainment, nais din ng Music Hero na makapag-influence sa mga kabataan na i-embrace ang musika sa panahon ng digital age.
“Ini-encourage namin ang lahat, lalo na ang kabataan, na subukan matuto o tumugtog ng iba’t ibang music instruments o di kaya ay hasain ang kanilang vocal skills,” saad ng bassist ng groupo na si JayR Corre.
Sabi naman ng violinist at nag-iisang babaeng miyembro ng Music Hero na si Dominique Casacop, “Sa ilang daang nag-audition sa programa, isang malaking blessing na ang mapabilang sa bandang ito. Dahil na rin sa background ko sa orchestra, nagkaroon ako ng big adjustment noong umpisa ngunit na-challenge ako to think outside the box.”
Ibinabahagi rin ng grupo ang kanilang pasasalamat sa mga taong bumuo ng Music Hero at sa Eat, Bulaga sa pagbibigay importansiya sa Filipino talents.
Ni-reveal din ng Music Hero na kasalukuyan silang nare-record ng kanilang second single.
Nang tanungin para sa kanilang advice sa iba pang aspiring musicians, saad ng grupo na dedikasyon, hard work, pasensiya, bilib sa sarili at pagmamahal sa musika ang magtutupad ng kanilang mga pangarap.
Sa ngayon, ang “Walang Papalit” ay number 1 sa Spotify Philippines’ Viral 50 playlist. Nakasama rin ito sa Top 200 songs ng Pop at All Genre categories.
Pakinggan ang “Walang Papalit” sa Spotify, iTunes, Apple Music at iba pang digital platforms.