VERY proud si Erich Gonzales sa latest movie niyang “We Will Not Die Tonight” dahil ito ang naging opening film sa New York Asian Film Festival at napasama pa sa Pista Ng Pelikulang Pilipino na mapapanood simula Agosto 15 hanggang 21.
Nabanggit ni Erich sa Send Off presscon na in-organize ng Film Development Council of the Philippines para sa mga delegadong pupunta ng New York na nanghinayang siya dahil hindi siya nakasama sa opening night dahil abala siya sa taping ng The Blood Sisters.
“Sayang nga po, eh, pero okay na kasi maganda naman ang feedback ng pelikula namin, tapos heto napasama pa sa Pista ng Pelikulang Pilipino,” nakangiting sabi ng aktres nang makausap namin pagkatapos ng presscon.
Si Erich ang producer ng pelikula at unang beses din niyang gumawa ng action movie, “Bilang artista po, ayaw naman po nating maging de kahon, hangga’t kaya po nating gumawa ng iba’t ibang klaseng pelikula at iba’t ibang role.
“Sana magustuhan ng movie going public ang ‘We Will Not Die Tonight’ kasi may suspense, thriller at action. Ito pong pelikulang ito ay talagang brutal kung brutal, pero may puso at nangyayari ito sa totoong buhay.
“It’s a film about survival at ano ang gagawin mo kapag nandoon ka sa panganib na ‘yun kung magtatago ka ba o lalaban ka para mabuhay,” katwiran ng dalaga.
At ang dahilan ni Erich kaya siya nag-produce ng movie, “Kakaiba kasi ang istorya na sinulat ni direk Richard (Somes) at kakaiba rin yung approach niya sa pelikula na sabi ko nga eversince gusto kong gumawa ng proyektong out of the box at itong ‘We Will Not Die Tonight’ ay perfect para sa akin kaya sabi ko kay direk gusto kong mag-take ng risk at gusto ko ring i-test ang limits ko.
“Ang dami pong first dito sa pelikula, wala akong stunt double dito, talagang ako lahat ang gumawa ng action to the point na si direk pa ang natatakot at panay ang pigil sa akin na gawin iyon dahil baka raw mapaano ako,” kuwento pa ni Erich.
Nakuryente kasi si Erich ng ilang beses sa shooting, nu’ng una ay inakala ng production na nagkataon lang kaya ginawa niya uli ang eksena pero nakuryente ulit siya. Biro nga niya, “Sabi ko naman direk kaya ko, we will not die tonight.”
“Lahat sila natakot sa akin sa elevator scene kasi dapat patay na yung kuryente, ‘yung baba ako at taas, walang double paghawak ko, nanginig ako. Totoo pala ‘yun. Kaya nag-take two kami, meron pa rin.
“Sabi nga ni direk, ‘wag na ‘to, it’s not worth your life. Sagutin kita, e.’ Sabi ko, ‘di ba direk gustung-gusto mo ‘tong scene na ‘to, gawin natin. Tapos sa third take kinabukasan nagawa na namin, buwis buhay talaga ang mga ginawa ko rito,” kuwento ng aktres.
Hirit namin sa aktres, may pagkamasokista ba siya dahil gustung-gusto niyang pinahihirapan ang kanyang sarili tulad sa seryeng The Blood Sisters na tatlong karakter ang kanyang ginagampanan.
“Hindi ko nga alam kung paano ko nagagawa lahat ‘yun, sabi ko nga wow, Lord Ikaw na ito. Sobrang pagmamahal ko siguro talaga sa trabaho, sineseryoso ko lahat ng ginagawa ko kahit nagkakasakit na ako, hangga’t kaya ko pa.
“But lesson learned din sa akin na you have to listen also to your body, di ba? Pag naramdaman mong hindi na kaya ng katawan mo, bibigay ka na. Di ba sa taping ng Blood Sisters, naospital na ako, ‘yun lang talaga ang nakapagpatigil sa akin sa taping,” paliwanag ng aktres.
Dagdag pa, “One day lang ako natigil kasi for airing kami, eh. After naka-recover ng slight, back to taping na talaga.”
Biro pa namin, sa trabaho niya ibinubuhos ang lahat ng oras niya dahil wala siyang lovelife, “Ano ‘yan?” birong sagot nito sa tono ng karakter niyang si Agatha sa TBS.
“Thankful din ako kasi na-appreciate ng mga nakakapanood ang pinaghirapan natin,” say ng aktres.
Samantala binanggit namin kay Erich na napaka-effective niya bilang Agatha sa Blood Sisters at halos lahat ng nanonood ay nagagalit sa kanya, “Naku, nai-stress nga ako kay Agatha, ina-asthma ako sa kanya.”
Anyway, mapapanood ang “We Will Not Die Tonight” simula Agosto 15 sa lahat ng sinehan nationwide handog ng Strawdogs Studio Productions.