Marriage for job sa China bagong modus operandi

MAY panibago na namang scam na naisip ang mga illegal recruiter. Basta nga naman sa ngalan ng salapi, lahat gagawin, makapagkamal lamang nito.

Para makapagtrabaho sa China, ang modus ngayon ay kasalan.

Ayon sa Department of Foreign Affairs, may limang Pinay na stranded ngayon sa Tongxu, China matapos silang ma-recruit ng dalawang Chinese nationals at pinangakuang makakapagtrabaho roon.

Nakilala ang mga recruiter na sina Song Gang at Li Chunrong na kilala rin sa pangalang Steven Lee at sinasabing kasal sa isang Violeta Aquino na taga Urbiztondo, Pangasinan.

Ang katotohanan niyan, kapag may kasabwat na kababayan tayo, mas madaling makapambiktima sila ng mga kababayan nating gustong-gusto talagang makapagtrabaho sa ibang bansa.

Kuwento pa nga ng isang biktima, mismong si Lee at asawa nito ang siya pang nag-ayos ng kasal niya sa isang Chinese national.

May dowry o ”bigay-kaya” na P140,000 na pinapangako ang mga ito pagkatapos ng kasal. Ayon naman sa kapamilya ng isang biktima, nakatanggap daw ng P100,000 ang kaniyang pamilya matapos siyang pakasalan ng kakontratang Chinese national.

Pero pagdating sa China, saka lang madidiskubre ng mga kababayan nating Pinay na wala naman palang kakayahang suportahan sila ng kanilang mga napangasawa. Ang matindi pa, hindi rin sila pinapayagang makapag-trabaho ng mga ito.

Alam naman nating kaya gusto nilang makapag-abroad, lalo pa nga’t pinapatulan nila kahit pa ang ganitong modus operandi na kung tagurian nating – “kapit sa patalim at lundag sa dilim”, sa paniniwalang kaya naman nilang tiisin ang lahat alang-alang sa pamilya.
Pero hindi pala iyon magkakatotoo dahil hindi nga sila pinapayagang makaalis ng bahay upang magtrabaho.

Ayon pa sa DFA, nakatanggap na sila ng may 23 kaso na ng “marriage for job” sa China.

Parang bumabalik na naman tayo sa panahon ng Jurassic. Noong unang panahon pa nangyari ito, at nangyayari pa rin ngayon!

Hindi pa rin ba natututo ang ating mga kababaihan sa bulok na style na ito? Sigurado namang walang pag-ibig na namamagitan sa kanila at trabaho lang talaga ang habol nila sa pagpayag ng naturang pagpakasal.

Ang kaso nga, hindi naman din sila pinapayang magtrabaho kung kaya’t nagreklamo na ang mga kababaihang ito hinggil sa pagamit ng naturang kasalan upang pagkakitaan lamang sila.

Babala ng DFA, huwag nang pumatol sa ganitong mga modus operandi dahil tiyak namang kapahamakan lamang ang kanilang aabutin.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com

Read more...