Kahapon nang madaling-araw ay nasangkot sa isang kaguluhan ang star player ng TNT KaTropa na si Terrence Romeo. Naganap ang komosyon sa isang bar. Nang matalo siguro ang kanyang team sa SMB sa quarterfinals ng PBA ay nagpalamig-lamig muna ang basketbolista.
Hindi masyadong malinaw ang report na narinig-napanood namin. Ayon sa kuwento ay may mga kababaihang gustong magparetrato kay Terrence pero mukhang hindi ‘yun nagustuhan ng mga lalaking kasama ng grupo ng mga babae.
Dahil du’n ay nagkaroon na ng pagtatalo, hindi pa matiyak kung sino ang unang nagpakawala ng suntok, magalang namang sumama sa mga otoridad si Terrence.
Ang mga artista at basketball players ay pare-parehong lapitin ng gulo. Kailangan ang mahabang pisi ng pasensiya ang mga personalidad dahil madalas silang hamunin kapag nasa mga pampublikong lugar sila.
Ang mga action stars ay nakakaranas ng mga ganu’ng senaryo, isang lalaki ang maghahamon, “Tingnan ko nga kung magaling ka talaga sa suntukan? Gawin mo nga ngayon sa akin ang mga ginagawa mo sa pelikula?”
Kung pikon ang artista ay agad niyang kakagatin ang hamon, pero kung mahaba naman ang pang-unawa niya ay palalampasin na lang ang nagmamayabang na lalaki, ganu’n ang karaniwang nangyayari sa mga sikat na personalidad.
Magaling na basketball player si Terrence Romeo, sikat na sikat pa sa kanyang hanay, kaya kahit saan siya magpunta ay hindi maiiwasan ang pagpaparetrato sa kanya ng mga kababaihan at kabekihan.