Christian Bables lumuhod sa harap ni Jun Lana, nag-sorry

CHRISTIAN BABLES AT JUN LANA

Parang eksena sa pelikula ang pagbabati ng multi-awarded director na si Jun Lana at dati niyang talent na si Christian Bables sa announcement ng walong pelikula na napili para sa Pista Ng Pelikulang Pilipino (PPP) ng Film Development Council of the Philippines last Monday.

Bago naganap ang kanilang pagbabati ay nakorner namin si Direk Jun pagkatapos ng Q&A sa presscon ng PPP.
Usap-usapan na kasi ang dedmahan nila ni Christian nu’ng una silang magkita sa loob ng venue.

Itinanggi ni Direk Jun na nag-isnaban sila ni Christian. And if ever magbatian sila, feeling ni Direk Jun ‘di raw ‘yun ang tamang venue para mag-usap sila ni Christian and definitely, he’s not going to be the one to reach out.

“This is not the venue for us to talk kasi feeling ko magiging insincere kung dito siya makikipag-usap sa akin dahil kung kailan may promo saka kayo mag-uusap. Kasi may iba namang pagkakataon para mag-usap kami, hindi dito,” esplika ni Direk Jun.

Nagkataon na sabay umakyat ng stage sina Direk Jun at Christian. Pero hindi sila nagpansinan. Si Direk Jun ang direktor at producer ng “Ang Babaeng Allergic sa Wifi” habang isa si Christian sa mga artista ni Direk Chito Roño sa pelikula niyang “Signal Rock.”

Parehong kasali sa PPP ang “Signal Rock” at “Ang Babaeng Allergic sa Wifi.” Ipalalabas ang walong pelikulang kasali sa PPP sa lahat ng sinehan nationwide simula sa Agosto 15 hanggang 21.

“Hindi naman magdededmahan na lang kami. Wala lang sigurong opportunity,” lahad ni Direk Jun habang sa likuran namin ay papalapit si Christian sa aming kinauupuan.

“Tinatanong pa lang niya ako,” sabi ni Direk Jun pagkatapos siyang lapitan at magtama ang mga mata ni Christian.

Pagkatapos ay nagpaalam si Christian sa amin, “Pwede ko po bang mahiram si Direk (Jun)?” Hinawakan ni Christian sa kamay ni Direk Jun sabay luhod niya sa harapan ng dati niyang mentor sa The IdeaFirst Company.

Umiyak si Christian habang inaalo at itinatayo ni Direk Jun na nakaagaw ng atensyon lalo na ng media sa loob ng venue. Kaya nagpunta na lamang sa isang sulok ng Sequiao Hotel sina Direk Jun at Chrtisitan para doon mag-usap.

Ilang sandali pa ay bumalik na sa kanyang lamesa si Direk Jun at doon ay muli namin siyang nakausap, “Okey naman, kasi siya na ‘yung lumapit. So, at least, tapos na. Gaya ng sinabi ko kanina, nakapag-move on na kami, e. Dapat hindi na ‘yan isyu. Lumang isyu na ‘yan.”

May nagsabi kay Direk Jun na nahihiya raw kasing lumapit sa kanya si Christian nu’ng una, “Yes, at saka sabi ko nga kanina, hindi kasi ito ang venue para mag-usap kami. Pero okey na rin nakapag-usap na.

“Pero at least, in private, hindi in front of the press, kasi ayokong magmukhang ginagamit namin ‘yung past issues para pag-usapan kami at saka ‘yung mga pelikula namin. Yun lang naman ang hinihintay ko,” sabay tawa niya.

Posible raw na magkatrabaho ulit sila ni Christian. Maliit lang daw ang industriya, “I wish him the best I heard na napakaganda ng movie niya. And, dalawa kami ni Perci (Intalan, partner niya sa The IdeaFirst) sa mga unang manonood ng pelikula niya dahil unang-una, idol ko si Chito Roño, ‘no? Alam ko na maganda ang pelikula niya. So, excited kami and I wish him well,” sey pa niya.

Read more...