Sue: Kaya kong mabuhay nang walang cellphone!

SUE RAMIREZ

HINDI nawawala ang matamis na ngiti sa labi ni Sue Ramirez nang makatsikahan namin habang ginaganap ang presscon ng Pista Ng Pelikulang Pilipino dahil unang beses siyang napasama sa isang film festival.

Ang pelikulang “Ang Babaeng Allergic Sa Wifi” mula sa IdeaFirst Company ang ikalawang lead role ni Sue na kasama nga sa PPP.

“Actually nag-MMFF 2017 na ako, pero cameo role lang, ‘yun kay bossing (Vic Sotto, Meant To Beh), kaya ito po ‘yung solo, actually kasama ko po sina Markus Patterson at Jameson Blake.

Masaya pero hindi naman ako nag-e-expect ng award, romantic comedy po ito,” masayang sabi ni Sue.

Ang kuwento ng “Ang Babaeng Allergic Sa Wifi” ay hindi lang para sa mga millennial kundi sa lahat ng gumagamit ng internet, “Fit po siya sa panahon ngayon, hirap akong mag-relate sa karakter ko rito kasi sobrang hilig niya sa social media or addict talaga. Parati siyang nakatutok sa phone niya.

“Siguro po ang pinaka-lesson na maibabahagi ng pelikula at sa millennials o wiser ages na sobra tayong busy mag-connect online na nakalimutan na nating mag-connect sa totoong tao na nasa paligid natin.

“Ako in real life, hindi po ako addict sa social media, nagpo-phone ako, pero kapag nasa labas ako like kumakain, hindi po ako mahilig magkukuha,” ani Sue.

Mas gusto pa nga raw ni Sue na walang social media, “Parang ang sarap, siguro maiba naman. Kaya kong (mabuhay nang) walang cellphone.”

Hirit namin, kung paano sila magkakaroon ng komunikasyon ng kanyang special friend na si Joao Constancia ng Boyband PH kung walang socmed, “We’ll find a way,” tumawang sabi ng aktres.

Ano ang pros and cons ng social media kay Sue? “Marami po, ang pros siguro it helps us connect to the people na malayo po sa atin, cons, of course sobra na tayong nakatutok sa social media accounts natin. Minsan magkakasama tayo ng buong pamilyang kumakain, hindi tayo nag-uusap dahil cellphone na lang ng cellphone,” pahayag ng aktres.

At kaya pala hindi masyadong mahilig si Sue sa social media ay dahil, “Pinapagalitan po kami ng mommy namin kapag nagse-cellphone kami sa lamesa (hapagkainan), it’s a good thing din naman, it’s time for family din.”

Samantala, puring-puri ni Sue ang co-actors niya sa pelikulang idinirek ni Jun Lana dahil lahat daw ay mababait naman at walang diva-divahan, “Sobrang lahat nagko-cooperate, lahat as one, lahat gustong matapos kaagad ang pelikula at gusto ito.”

Read more...