SA tuwing napapadaan ako sa isang malaking mall sa Maynila ay lagi kong naaalala ang isang pastor na mahilig sumawsaw sa mga isyung pampulitika.
Paano nga namang hindi, samantalang imbes na isang malaking worship venue ay naging shopping mall ang dapat sana’y property na magiging sentro ng kanilang pananampalataya.
Maraming taon na ang nakalilipas ay ipinagdasal ng grupo ng pastor na sana’y mabili nila ang malaking lote na kinatatayuan noon ng isang karerahan.
Noong una ay kaagad na nagbunga ang kanilang dasal dahil sa grupo ng pastor na ito nakipag-usap ang kumpanya na namamahala sa nasabing karerahan/sugalan.
Handa na raw nilang ibenta ang nasabing prime property pero siyempre mahal ang presyo nito.
Kaagad na umikot sa kanilang kongregasyon ang plano at umulan ang donasyon lalo na sa kanilang mga kasapi mula sa abroad.
Mas naging madalas pa ang kanilang prayer walk sa lugar para ipagdasal ang nasabing property.
Bumaha ang donasyon mula sa mga miyembro ng nasabing relihiyon at sinasabing umabot sa daang milyong piso ang nakalap na salapi.
Pero sa hindi maipaliwanag na pagkakataon ay nabili ng isang tycoon ang nasabing lupain na ngayon nga ay isa na ngang mall.
Ang perang nalikom ng simbahan ni pastor ay naglahong parang bula at hindi na ito naipaliwanag sa mga kasapi na nag-donate kaya marami sa kanila ang lumipat na sa ibang simbahan.
Ang pastor na bida sa ating kwento ay nanatiling tahimik sa isyu dahil nasa mabuting kamay daw ang kanilang pondo pero marami ang nakapansin dahil biglang yumaman ang nasabing spiritual leader at nag-iba ang kanyang lifestyle.
Ang pastor na pinagdududahang gumagawa ng himala sa pondo ng kanilang kongregasyon ay si Mr. E…as in Ewan.