KUNG away lang ang gusto ni June Mar Fajardo, siguradong makakatikim ang mga Australyano. Ngunit ibang klaseng nilalang ang pambato ng San Miguel Beer.
Kaya naman hindi na ako nagulat na makitang isa si JuneMar sa tatlong kasapi ng Gilas Pilipinas na natira matapos ang ‘trahedya’ sa Bocaue.
Masunuring anak si June Mar na unang nag-syut ng kasaysayan matapos makuha ang ika-apat sunod niyang PBA MVP award. Huwag magtaka kung hihigitan ni June Mar mga ginawa ng kapwa Cebuano-great na si Ramon ‘‘El Presidente’’ at Alvin ‘‘the Captain’’ Patrimonio na may tig-apat ding MVP awards.
Bagamat maganda na ang buhay, nananatiling nakatuntong ang mga paa ni June Mar sa lupa.
Ito ang sinasabi ko: Ang mga nagtatagumpay hindi lang sa PBA kundi sa ibang palakasan ay ang mga manlalarong may matibay na suporta ng kani-kanilang mga magulang, may edukasyon, palaban ngunit mapagkumbaba, at tumatanggap ng pagkatalo.
Sa kanyang mga interbyu matapos ang nakapapagod ngunit matagumpay na laro ay hindi rin nakakalimutang pasalamatan ni June Mar ang Poong Maykapal at ang kanyang mga tagasubaybay.
Nasulat ko ito sapagkat malayo na ang narating ni June Mar kung ikukumpara kay Calvin Abueva na dahil sa kanyang kuwestyunableng ugali ay binitiwan na ng Alaska Aces.
Nagtataka nga ako sa desisyon ni Gilas coach Chot Reyes kung bakit nilagay pa sa lineup ng Gilas si Abueva na aminadong wala sa kondisyon. Inamin rin ni Abueva na pinatid niya si Daniel Kickert sa warm-up ng PH-Australia game. Ang siste, nagkamali si Kickert at ang binalikan niya ay si Matthew Wright at hindi si Abueva.
Kilala na natin si Abueva na mahilig magpasimula ng away o kundi man magpapasimula ay takaw-away dahil sa kanyang asal sa loob ng court. Bagamat talentado, wala pang titulo sa PBA si Abueva habang nasa Alaska.
Hindi naman kailangan ang henyo upang masuri na kailangang may baguhin si Abueva upang maabot kahit konti ang mga naabot ng mga tulad ni June Mar. May panahon pa Calvin, huwag sayangin ang ginintuang pagkakataon upang mabago ang buhay.
Ang isa pang hindi ko nagustuhan ay ang kinilos ni Peter, ama ni Japeth Aguilar.
Naiintindihan kong anak ni Peter si Japeth ngunit hindi niya kailangang makisawsaw at maghagis pa ng silya.
Peter, dagdag-gulo, ka lang. Pabayaan mo na si Japeth at 6-foot-9 naman ang iyong anak.
Hindi ka pa ba natuto Peter? Mismong si Japeth ang humingi ng paumanhin kay Patrimonio matapos ka na namang makisawsaw sa laro ng Gin Kings at Hotshots.
Payo ng isang kaututang-dila noong nasa PBA at maging noong nag-retiro ka na: Kalma lang p’re.
May punto si Baham
Hindi rin naman masamang suriin ang pananaw ni Games and Amusement Board chair Abraham Kahlil ‘‘Baham’’ Mitra tungkol sa nangyari.
Ayon kay Mitra na todo-trabaho upang tiyakin ang tagumpay ng GAB, malaki ang kakulangan ng mga reperi mula sa Middle East sapagkat hindi nila nakontrol ang mga manlalarong sa simula pa lang ay naggigirian na.
Ngunit may payo rin naman si Mitra sa ating mga coach. Sinabi ni Mitra na isa sa tungkulin ng mga coach ang pigilan ang kanilang mga manlalaro. Hindi yata ito alam ni assistant coach Jong Uichico na huli sa kamera na kasama sa mga kumukuyog kay Chris Goulding.
PH kampeon sa netball
Dahil hindi pa gaanong sikat (ngunit tiyak na sisikat), hindi nabibigyan ng malaking publisidad ang malaking panalo ng Philippine Netball Federation sa Jeonju International Netball Tournament 2018 sa Korea.
Kinuha ng mga Pinoy ang medalyang ginto sa paligsahan na ginanap sa Hwasan Gymnasium sa noong nakaraang Hunyo 22-27. Pinamumunuan ang PNF na isang national sports association sa ilalim ng Philippine Olympic Committee ni Dr. Charlie Ho.
Coaches ng matagumpay na koponan sina Sae Ann Gallegos at Piao Fedillaga. Ang mga kampeon ay sina Chantal Belzunce, Thea Cenarosa, Diana Doqueza, Eunice Japone, Karen Lomogda, Janelle Mendoza,Cjay Seno, Andrea Tongco, Zharmaine Velez at Dianne Ventura.
Malaking karangalan ang binigay ng PNF sa Pilipinas at nawa’y ipagpatuloy ng asosasyon sa ilalim ni Dr. Ho ang pagkislap sa internasyonal na tanghalan.
Tularan si June Mar
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...