KUNG may delicadeza itong sina Sec. Rosalinda Baldoz at Owwa administrator Carmelita Dimzon, dapat ay nag-resign na sila.
Matagal nang nangyayari sa tungki ng kanilang mga ilong ang “sex-for-fly” at prostitusyon ng mga Pinay OFWs, pero, hindi sila umaksyon. Naghamon pa sa mga complainants na lumantad para daw makasagot naman ang mga akusadong labor officials.
Nang humarap sa media ang mga biktima, naglunsad sila ng isang internal probe at fair and honest daw ang kanilang isasagawa. Pero paano ka maniniwala kung sila-sila lang ang mag-iimbestiga? Bakit hindi ang NBI ang tawagin nina Baldoz at Dimzon lalo’t krimen ang pambubugaw at pang- aabuso ang mga akusasyon dito? Bakit hindi ang DOJ?
Ngayon pa lang isang malaking whitewash ang naamoy natin dahil mga kakampi at sila sila rin sa DOLE at OWWA ang magbobolahan.
Pero sa panig ng publiko, karumal-dumal ang ganitong pagsasamantala ng mga DOLE at OWWA officials sa mga kawawang kababaihang OFW sa panahong kapit na sila sa patalim. Kung sino pa ang dapat tumulong, sila pa ang nagsasadlak sa mga kawawang OFW.
Maliwanag dito na nagkaroon na ng malaking lamat sa mata ng publiko itong OWWA at DOLE. Ito’y isyu ng loss of confidence sa kakayanan nina Baldoz at Dimzon na protekatahan ang kababayan nating in distress sa ibang bansa. Hindi sila pwedeng mag-Poncio Pilato rito at sabihing wala silang kinalaman. Kilala nila ang mga akusadong labor officers at karamihan diyan ay malapit sa kanila. Kahit paano, meron silang kasalanan lalo na sa punto ng kapabayaan. Mag-offer man lang ng resignation kay Pnoy bilang pagtanggap ng responsibilidad?
Pero, iba ang ikinikilos nitong sina Baldoz at Dimzon. ,Dito ba sa tuwid na daan ay uso na rin ang pakapalan ng mukha?
Malamya ang NDRRMC sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa bagyong Gorio. Pawang mga weather forecasters lamang ang nakakausap natin sa radyo at wala namang makapagpaliwanag sa panig ng NDRRMC kung anong mga paghahanda ang dapat gawin ng mga LGUs?
Wala na tayong Benito Ramos na noon ay isa-isang binabanggit ang mga lugar na posibleng daanan ng disgrasya. Nasaan na si Gen. Eduardo del Rosario na pumalit kay Benito Ramos? May nakainterbyu na ba rito o nakausap man lang ang nalalaman nito sa disaster management?
Sa PAGASA naman, wala na tayong Frisco Nilo, Nat Cruz o Dr. Servando na nagpapaliwanag sa mga posibleng daanan ng bagyo at ang paghihimay sa layman’s terms ng teknikal na aspeto ng meteorology.
Huwag kayong dadaan sa C5 lalot gabi na at kayoy patungo ng airport. May mga nambabato riyan ng windshield at kapag kayo ay bumaba ay holdap o rape ang aabutin ninyo
Hindi lang isang tao ang gumagawa nito kundi grupo ng mga adik o hamog boys na ang una’y manggaling sa damihan at babatuhin ang iyong salamin. Ilang metro pagkatapos nito ay nakaabang na ang iba pang kasama ng mga kriminal na ito na handang sumalakay kapag ikaw ay pumarada.
Inutil ang PNP- Taguig chief dito na si Sr. Supt Felix Asis gayundn si Taguig city mayor Lani Cayetano. Hindi hinuhuli ng Taguig police ang mga kriminal na ito kahit napakaraming reklamo. Ito namang TAguig city hall, ang dami-daming pera, hindi man lang maputol ang mga talahiban sa tabi ng C5 kung saan nagtatago ang mga nambabato ng sasakyan doon. Ano ba yan, Mayor Cayetano at Col. Asis?
Editor: Para sa komento, reaksyon o reklamo i-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606.