Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Rain or Shine vs GlobalPort
7 p.m. Magnolia vs Alaska
LUMAPIT ang nagtatanggol na kampeong San Miguel Beer sa isang silya sa semifinals matapos itong umahon mula sa 23 puntos na pagkakaiwan upang biguin ang nakatapat na TNT KaTropa, 121-110, sa Game 1 ng kanilang 2018 PBA Commissioner’s Cup best-of-three quarterfinals series Lunes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Subalit pagkatapos ng laro ay isinulat ni TNT team manager Virgil Villavicencio sa scoresheet ang mga salitang ‘under protest’.
Ayon sa mga table official susulat ngayon si Villavicencio kay PBA Commissioner Willie Marcial para pormal na ihain ang protesta.
Sinabi naman ni Marcial na hihintayin niya ang nasabing protesta hanggang alas-12 ng tanghali ngayong Martes.
Binalewala ng naghahangad sa ikalawa nitong grand slam na Beermen ang pagkakaiwan sa 23-46 iskor sa 9:58 ng ikalawang yugto upang agawin ang importanteng unang panalo at lumapit sa isa sa pinag-aagawang apat na silya palapit sa titulo.
Bumalikwas sa 7:08 ng ikaapat na yugto ang mga Beermen kung saan una nitong nalasap ang kalamangan sa pagkapit sa 100-99 abante mula sa dalawang free throw ni import Renaldo Balkman bago nito ibinagsak ang 21-11 atake sa nalalabing mga minuto upang agawin ang panalo.
Itinala ng Beermen ang pinakamahaba nitong scoring run na 16 puntos sa ikaapat na yugto kung saan nagawa pa nitong maitala ang pinakamalaki nitong 13 puntos na abante bago tuluyang kinumpleto ang pagsungkit sa panalo.
Unang nag-init ang KaTropa sa paghulog ng 40 puntos sa unang yugto bago nalimitahan sa sumunod na huling tatlo sa 22, 26 at 22 puntos lamang habang matapos maghabol sa 21 puntos ay naghulog ang Beermen ng 27, 38 at 35 puntos sa huling tatlong yugto upang masungkit ang isang larong bentahe sa sarili nitong best-of-three series.
Pinamunuan ni Balkman ang Beermen sa pagtatala ng 36 puntos, 16 rebounds, 4 assist, 2 steals at 2 blocks habang nag-ambag si June Mar Fajardo ng 27 puntos, 13 rebounds at 2 assist, 1 steal at 1 block. Tumulong din si Marcio Lassiter na may 26 puntos, 6 rebounds, 4 assists at 2 steals.
Samantala, nakuha ng Barangay Ginebra Gin Kings ang 1-0 lead sa kanilang best-of-three quarterfinals series matapos talunin ang Meralco Bolts, 88-81.