Ahwel Paz, IAAS mamimigay ng P3M scholarship sa mga Pinoy na walang pambayad sa iskul

ANDREA ANDAL, AHWEL PAZ AT CECIL CATAPANG

SA contract signing ni Ahwel Paz bilang brand ambassador ng International Academy for Aesthetics Sciences (IAAS) ay natanong siya kung sinu-sino ang mga artistang kailangan ng “enhancement”.

“Ang enhancement ay hindi dapat beauty na panlabas kundi panloob. Siguro kailangan nila ‘yung beauty na panloob para lumabas ang kagandahan nila.

“Hindi ko na papangalanan, pero ‘yung mga baguhan na nagsisimula pa lang sa showbiz siguro bago ninyo i-enhance ang inyong physical ay mas unahin ang inyong kalooban at maniwala kayo, beauty will start from within.

“Lalabas ang ganda ninyo bilang artista kung maganda ang kalooban ninyo at hindi ninyo kakailanganin ng anumang enhancement sa buhay,” paliwanag ni Papa Ahwel.

Dumaan ba sa enhancement ang brand ambassador ng IAAS, “Gasgas man pong sabihin na ang beauty ay nanggagaling sa loob. Pero simula po talaga nu’ng nagtrabaho ako at nag-aral ay kailangan kumpleto ang tulog.

“May mga nagbo-volunteer para mag-asikaso sa aking mukha. At ngayong nandito na ako sa IAAS ay may mga pagbabago sigurong kailangan nilang gawin bilang bahagi na ako ng IAAS pero pag-uusapan pa po,” sabi pa ng radio anchor-host.

Samantala, abut-abot ang pasasalamat ni Papa Ahwel na kinuha siyang ambassador ng nasabing Aesthetics School na makakatuwang niya sa pagbibigay ng scholarship sa mga kababayan nating hindi makapag-aral, “Hindi man po ako naging ambassador ng Pilipinas tulad ng pinangarap ko, pero I’m proud to say na ‘ambassador’ ako ngayon ng IAAS,” masayang sabi nito.

Inamin nina Dra. Cecil Catapang at Andrea Andal na perfect si Papa Ahwel bilang ambassador ng IAAS dahil bukod sa pagiging sikat nitong radio host kasama si Jobert Sucaldito sa DZMM ay maganda ang success story ng buhay niya.

Nabanggit ni Papa Ahwel na isa rin sa dahilan kaya siya kinuha ay dahil sa kanyang paglilibot sa loob at labas ng Pilipinas, “Kaya makakarating ang information campaign ng IAAS sa maraming lugar. May schedule po ako for Davao next week and the following week sa Cebu naman para makarating po sa masa na nangangailangan ng scholarship.”

Sa World Caravan Tour para sa mga OFW na si Papa Ahwel ang nagsimula ay maibabalita rin niya ang scholarship program ng IAAS.

Aabot sa P3 million ang inilaan ng IAAS para sa scholarship program na ito na hiniling mismo sa kanila ni Papa Ahwel bilang kabayaran bilang ambassador.

“In fairness to Sir Ahwel Paz, he is not being paid as brand ambassador. All he wants is to give back to the community,” sabi ni Dra. Catapang.

“Ito ay ang pagbabalik-tulong para sa ating kapwa. Lalapit po tayo at magbibigay po tayo ng scholarship grant hindi lamang po doon sa mga may medical background gaya ng doctors and nurses. Tayo po ay pupunta mismo sa mga karaniwang tao na hindi makapag-aral at bibigyan natin sila ng 3 million worth of scholarship dito po sa IAAS,” ani papa Ahwel.

Sabi pa ni Papa Ahwel ay isasabay niya sa ginagawang Kapamilya Day ng DZMM ang paghahanap ng scholars sa iba’t ibang panig ng bansa.

“Magkakaroon po ng criteria para maging IAAS scholar, hindi po kailangan ng may medical background kasi po ‘yung may mga medical background, they can afford to study.

“Ang hinahanap po namin ay ‘yung may kakayahan at kagustuhan ding mag-aral, may pangarap sa buhay, siyempre tatanungin din po namin ‘yung pamilya.

“Kasi sayang naman kung sa kalagitnaan ng kanilang pag-aaral ay mahihinto kaya dadaan sila sa screening committee tulad sa mga programa nina Nina Corpuz, Julius Babao, at kuya Jobert sa DZMM,” paliwanag ni Papa Ahwel.

Read more...