Mga Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
4:30 p.m. TNT KaTropa vs San Miguel Beer
7 p.m. Barangay Ginebra vs Meralco
MAG-AAGAWAN sa krusyal na unang panalo ang defending champion San Miguel Beermen, TNT KaTropa, Meralco Bolts at Barangay Ginebra Gin Kings sa pagsisimula ng 2018 PBA Commissioner’s Cup best-of-three quarterfinal round ngayon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Unang magsasagupa ang TNT at umaasam sa ikalawa nitong grand slam na San Miguel Beer sa ganap na alas-4:30 ng hapon habang magtatagpo sa tampok na labanan ganap na alas-7 ng gabi ang Meralco at Barangay Ginebra.
Nagkasya lamang sa ikatlong puwesto ang KaTropa kahit katabla nito sa 8-3 panalo-talong record sa pagsasara ng eliminasyon ang Alaska Aces na nahablot ang dalawang beses tataluning insentibo sa quarterfinals habang nahulog ang Beermen sa ikaanim na puwesto matapos mabigo sa huli nitong laro kontra Magnolia Hotshots.
Nagtabla-tabla sa 6-5 panalo-talong kartada ang magkakapatid na koponang Gin Kings, Beermen at Hotshots kung saan nakuha ng Barangay Ginebra ang ikalimang silya, ikaanim ang San Miguel Beer at ikapito ang Magnolia.
Inokupahan ng Meralco ang ikaapat na puwesto sa nagsosolo nitong 7-4 panalo-talong record upang makatapat nito ang rumaragasa na Barangay Ginebra para sa pag-aagawan sa kinakailangang apat na silya patungo sa semifinals.
Huling tinalo ng Gin Kings ang GlobalPort Batang Pier, 116-98, para sa ikaapat na sunod nitong panalo habang dalawang sunod na nabigo ang Bolts na ang pinakahuli ay kontra Rain or Shine Elasto Painters, 99-106.
“We’re familiar foes. We’ve battled each other a lot in the playoffs over recent years, and every series has been close and tight with incredible moments. Meralco is always especially good when they have a dominant inside import and Onuaku is definitely that. Our ability to defend the paint will be crucial,” sabi ni Gin Kings coach Tim Cone.
Matatandaang tinalo ng Bolts sa kanilang paghaharap sa eliminasyon ang Gin Kings, 93-82. Ang kabiguan ang pinakahuli ng Gin Kings matapos makasama ang resident import na si Justin Brownlee tungo sa pagtala ng apat na sunod na panalo para makatuntong sa quarterfinals.
Tinalo naman ng Beermen sa kanilang natatanging paghaharap sa eliminasyon ang KaTropa, 99-94.